MANILA, Philippines – Hindi mababalewala ang makukulay na five-year collegiate career nina San Beda guard Baser Amer, Letran playmaker Mark Cruz at Far Eastern University star Mike Tolomia sa pagdaraos ng UAAP-NCAA Press Corps at ng Smart Sports ng Collegiate Basketball Awards sa Jan. 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Tatanggapin nina Amer, Cruz at Tolomia ang Super Senior awards mula sa grupo ng mga reporter ng national dailies at online portals na nagkokober sa collegiate basketball.
Bagama’t nabigong tulungan ang San Beda na makuha ang kauna-una-hang six-peat sa NCAA sa nakaraang season, nabigyan naman ni Amer ang Mendiola-based team ng apat na sunod na titulo simula sa kanyang rookie season noong 2011 hanggang 2014.
Mula sa kanyang shoulder injury ay natulungan ni Amer ang Red Lions na makapasok sa kanilang ika-10 sunod na finals appearance bago natalo sa Knights.
Habang kumolekta si Amer ng apat na sunod na NCAA championships, nabigyan naman nina Cruz at Tolomia ng korona ang Letran at FEU sa unang pagkakataon matapos noong 2005.
Tinawag na “The Ant Man”, iginiya ng 5-foot-5 na si Cruz ang Knights sa pang-17 nitong NCAA title at hinirang na Finals MVP.
Naging susi naman si Tolomia sa pagsikwat ng Tamaraws sa UAAP title matapos ang 10 taon na pagkauhaw nang talunin ang University of Santo Tomas sa UAAP finals para sa kanilang ika-20 korona.
Makakasama nina Amer, Cruz at Tolomia bilang awardees sina Nash Racela ng FEU at Aldin Ayo, dating Letran mentor na ngayon ay nasa La Salle, para tanggapin ang top coaching honors.
Pararangalan din sina FEU guard Roger Pogoy at Letran forward Kevin Racal bilang Pivotal Player.
Igagawad din ng UAAP-NCAA Press Corps Smart Player of the Year award at ang Collegiate Mythical Five.