DALLAS – Isinalpak ni Deron Williams ang isang 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer sa second overtime para tulungan ang Mavericks sa 117-116 pag-lusot laban sa Sacramento Kings.
Ito ang ika-22 sunod na home victory ng Mavericks kontra sa Kings.
Kinuha ni Williams ang inbound pass mula kay Devin Harris sa natitirang 2.3 segundo at isinalpak ang kanyang game-winning triple.
Nauna nang ikinasa ni Dirk Nowitzki ang isang 3-pointer para sa Mavericks na iniskor ang huling 8 points matapos iwanan ng Kings sa 116-109 sa 1:20 minuto sa second overtime.
Umiskor si DeMarcus Cousins ng 35 points para sa kanyang ikatlong sunod na 30-point game sa panig ng Sacramento, kasama rito ang buzzer-beating layup na nagtabla sa kanila sa Dallas sa 98-98 sa pagtatapos ng regulation.
Hindi nakalaro si dating Dallas guard Rajon Rondo dahil sa back spasms.
Hindi pa nananalo ang Kings ng isang regular-season game sa Dallas sapul noong Feb. 27, 2003 nang manaig sila sa overtime, 126-124.
Sa Los Angeles, humugot si Klay Thompson ng 22 sa kanyang 36 points sa first quarter at nagdagdag si Stephen Curry ng 17 markers bago siya ipahinga sa fourth period sa 109-88 panalo ng Golden State Warriors sa Los Angeles Lakers.
Ang defending champion Warriors ang naging unang NBA team na nakapagtala ng 33 panalo sa kanilang 35 games.
Nanatili sa laro si Curry matapos magbanggaan ang kanilang mga binti ni Roy Hibbert sa third quarter.
Hindi nakita si Curry sa dalawang laro ng Warriors dahil sa nabugbog na lower left leg noong nakarang linggo bago nakabalik sa huling tatlong laban ng Golden State para sa kanilang 33-2 start sa season.
“It’s frustrating and annoying,” sabi ni Curry na pumayag lamang na magtungo sa locker room bago magsimula ang fourth quarter kung saan kumamada ang Warriors ng 22 sunod na puntos laban sa Lakers.