MANILA, Philippines – Hangad ng Philippine Superliga (PSL) na mapanatiling matibay ang kanilang relasyon sa international volleyball federation para sa kanilang ikaapat na season ngayong taon.
Sinabi ni PSL president Ramon Suzara na malaking bagay ang maganda nilang pakikitungo sa International Volleyball Federation (FIVB) at Asian Volleyball Confederation (AVC) para sa pagpapasigla sa volleyball sa bansa.
Ang PSL ang tanging club league sa bansa na sumusunod sa international standards.
Sa katunayan ay tinapik ng national federation na Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI)ang PSL para manguna sa pagbuo ng koponang inilaban sa AVC Asian Women’s Seniors Championship sa Tianjin, China; sa AVC Asian Men’s Club Championship sa Taipei; at sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Phu Ly, Vietnam noong nakaraang taon.
Bukod dito ay mahalagang papel din ang ginampanan ng PSL sa hosting ng bansa sa AVC Asian Women’s U-23 Championship at sa pagsali sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore pati na sa VTV International Women’s Volleyball Championship sa Bac Lieu, Vietnam.
Ngayong taon ay muling tinapik ang PSL bilang chief organizer ng AVC Asian Women’s Club Championship sa September at sa FIVB World Women’s Club Championship sa October.
“This is our own little way of helping the sport,” wika ni Suzara, nagsisilbi ring chairman ng development and marketing committee ng continental body.
“A healthy relationship with both the FIVB and the AVC will enable us to send more teams and host more high level international tournaments that would be beneficial to the improvement and development of the sport here. We are looking forward to another explosive year, not just here, but also abroad.”
Sinabi naman ni PSL chairman Philip Ella Juico na ang paggabay ng FIVB at AVC ang nagpalakas sa liga.
“By adhering to the rules and regulations of both the FIVB and AVC, the PSL had grown by leaps and bounds,” wika ni Juico, na pinahalagahan ang paggamit nila ng FIVB-approved video challenge system.
“The video challenge system, which is being used in major FIVB and AVC tournaments, completely changed the landscape of the game here. With that, we’re now abreast with the latest trends and technology that will make it easier for us to compete against our international rivals.”