MANILA, Philippines – Si Tim Duncan ay nananatiling isa sa pinaka-importanteng player ng Spurs sa edad na 39-gulang bilang maaasahang player at nauunawaan niya na kailangang mag-adjust sa kanyang role dahil sa mga pagbabago sa NBA.
Ngunit nakaranas si Duncan ng ilang statistical lows sa posibleng final season na niya. Ang una ay nangyari noong November sa kanilang pagkatalo sa New Orleans Pelicans nang hindi siya nakapagrehistro ng rebound sa unang pagkakataon sa kanyang career.
Sa laban kontra sa Houston nitong Sabado, hindi nakaiskor si Duncan.
Matapos mag-miss ng dalawang game dahil sa pamamaga ng kaliwang tuhod, si Duncan ay 0-of-3 mula sa field at wala siyang free throw attempt sa 14 minutong paglalaro. Mayroon siyang 4-rebounds at 2-assists.
Hindi siya lumaro sa huling 17:37 minuto ng laro matapos palitan ni Boris Diaw na naging mitsa ng 22-5 run sa pagtatapos ng third quarter tungo sa 121-103 panalo ng San Antonio.
Naglista si LaMarcus Aldridge ng 24 points kasunod ang 22 ni Kawhi Leonard at nagsalpak ang Spurs ng season-high na 13 3-pointers para sa kanilang ika-20 sunod na panalo sa kanilang balwarte para sa franchise record home start.