MANILA, Philippines – Muling lalabanan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao si world welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. sa ikatlong pagkakataon.
Inihayag kahapon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na pinili ni Pacquiao na sagupain si Bradley sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ipinadala na ni Arum kay Pacquiao ang paunang $2 milyon mula sa matatanggap niyang $20 milyon na guaranteed purse sa pagharap kay Bradley.
“Michael (Koncz) cleared everything with Manny and we sent out the advance money to seal the deal,” wika ni Arum sa Canadian adviser ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs).
Wala pang sagot si Bradley (33-1-1, 13 KOs) kaugnay sa pagpili sa kanya ni Pacquiao.
Nauna nang sinabi ni Bradley, ang kasalukuyang World Boxing Organization welterweight title-holder, na mas gusto niyang makaharap si Puerto Rican superstar Miguel Cotto.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision win sa kanilang unang pagkikita noong Hunyo ng 2012.
Bumawi naman si ‘Pacman’ at kinuha ang unanimous decision victory sa kanilang rematch noong Abril ng 2014.
Hindi pa tiyak ni Arum kung ito na ang magiging pinakahuling laban ni Pacquiao, tututukan ang kanyang political career kung saan siya tumatakbo para sa isang Senatorial seat.