MANILA, Philippines – Hangad ni Vic (Vicious) Saludar ng Polomolok, Cotabato del Sur na tapusin ang taon sa pagbibigay ng isa pang world title sa Pinas sa pagharap kay Kosei Tanaka para sa WBO minimumweight title sa nakatakdang 12-round bout sa Aichi Prefectural Gym sa Nagoya, Japan ngayong gabi.
Kung mabibigo si Saludar, magtatapos ang taon na may apat na world champions ang Pinas--sina WBO lightflyweight titlist Donnie Nietes, WBO superbantamweight king Nonito Donaire, Jr., IBO lightflyweight ruler Rey Loreto at WBA interim lightflyweight belt-holder Randy Petalcorin.
Noong Martes, sinubukan ni Filipino veteran Warlito Parrenas na mapabilang sa mga Pinoy world champions ngunit nabigo siyang agawin ang WBO superflyweight crown mula kay Naoya Inoue sa Ariake Colosseum sa Tokyo. Inihinto ni referee Mike Ortega ang laban matapos bumagsak si Parenas, ang No. 1 contender mula sa Cadiz City, sa 1:20 minuto ng second round.
Pagkatapos ni Saludar, ang susunod na Pinoy na magtatangka sa World title ay si Jetro Pabustan ng Sarangani na haharap kay defending champion Pung-luang Sor Singyu para sa WBO bantamweight diadem sa Loei, Thailand sa Jan. 15.
Ang kaliweteng si Pabustan, 26-gulang ay may 26-2-6 record, kabilang ang 7 KOs. ‘Di siya natalo sa huling limang laban at ang kanyang kabiguan ay via technical decisions kina Lowie Bantigue noong 2010 at Monico Lau-rente noong 2014.