HOUSTON — Kumolekta si Al Horford ng 30 points at 14 rebounds para banderahan ang Atlanta Hawks sa 121-115 panalo laban sa Houston Rockets.
Bumangon ang Hawks mula sa 19-point deficit bago resbakan ang Rockets tungo sa kanilang pang-pitong panalo sa huling walong laro.
Nagdagdag si Kent Bazemore ng 26 points kasunod ang tig-22 nina Paul Millsap at Jeff Teague para sa Atlanta.
Pinamunuan ni Dwight Howard ang Houston sa kanyang 30 points at 16 rebounds, habang naglista si James Harden ng 26 points, 10 rebounds at 8 assists.
Nang makuha ng Hawks ang bentahe sa fourth quarter ay ginamit nila ang hack-a strategy sa pag-foul kina Howard at Clint Capela. Epektibo naman ito at naikonekta ni Howard ang isang free throw na nagbalik ng kalamangan sa Rockets.
Iniskor naman ng Atlanta ang huling 9 points ng laro para sa kanilang road victory.
Sa Oklahoma City, tumipa si Russell Westbrook ng 27 points at may 26 si Kevin Durant para igiya ang Thunder sa 131-123 paggiba sa Milwaukee Bucks.
Nag-ambag si Enes Kanter ng 23 points at nagtala si rookie Cameron Payne ng career-high na 16 markers para sa Thunder.
Kapwa kumamada sina Westbrook at Durant ng higit sa 20 points para sa ika-25 pagkakataon nga-yong season at ibangon ang Oklahoma City sa eight-point deficit at kunin ang kanilang pang-11 panalo sa huling 14 games.
Pinamunuan ni Khris Middleton ang Milwaukee sa kanyang career-best 36 points.
Sa New York, umiskor si Carmelo Anthony ng 24 points at nag-ambag ng 18 si Derrick Williams para pangunahan ang apat pang Knicks sa double figures sa 108-96 panalo laban sa Detroit.