MANILA, Philippines – Muling bumandera si volleyball star Alyssa Valdez, habang nakamit ni coach Roger Gorayeb ang pambihirang Grand Slam sa Shakey’s V-League at nagreyna ang Foton sa Philippine Superliga Grand Prix sa pagtatapos ng taong 2015.
Tinanggalan ng PLDT Home Ultera Ultra Fast Hitters ng korona ang dating reynang Philippine Army Lady Troopers matapos iposte ang 2-1 tagumpay sa kanilang best-of-three championship series para angkinin ang Shakey’s V-League 12th Season Open Conference.
Ito ang kauna-unahang Shakey’s V-League cham-pionship ng Ultra Fast Hitters ni Gorayeb na nagbandera kina Valdez, Jaja Santiago, Suzanne Roces Gretchel Soltones, Rubie De Leon, Rysabelle Devanadera at Denden Lazaro.
Umiskor si Valdez ng 29 points para ibigay sa PLDT ang 25-22, 18-25, 24-26, 28-26, 15-13 panalo laban sa Army sa Game Three noong Hunyo 5.
Pinatumba naman ng National University Lady Bulldogs ang karibal na Ateneo Lady Eagles sa Game Three sa pamamagitan ng 25-21, 26-24, 25-19 panalo para angkinin ang titulo ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference.
Kinumpleto ng Lady Bulldogs ang pagbangon mula sa 0-1 pagkakaiwan sa kanilang best-of-three championship series ng Lady Eagles.
Ang service error ni Bea de Leon ng Ateneo sa third set ang tuluyan nang nagbigay sa NU ng korona.
“This title is for them. I told them ‘get this championship, it’s for you,” sabi ni Gorayeb sa kanyang Lady Bulldogs. “Dedicate this win for you, for yourselves.”
Binanderahan ni Myla Pablo ang NU sa kanyang 15 points at hinirang na Finals MVP, samantalang nagdagdag si Dindin Santiago-Manabat ng 11 markers kasunod ang tig-10 nina Jaja Santiago at Jorelle Singh.
Pinamunuan naman ni Valdez ang Lady Eagles sa kanyang team-high na 14 points.
Bagama’t hindi nakitang naglaro sa elimination hanggang semifinal round ay nagawa pa rin ng 5-foot-9 na si Valdez na tulungan ang PLDT Home Ultera na makopo ang pangalawa nilang titulo sa season.
Humataw si Valdez ng 25 points para ihatid ang Ultra Fast Hitters sa 25-21, 25-22, 22-25, 25-21 paggupo sa Lady Troopers sa Game 2 at angkinin ang titulo ng Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference.
“Ang goal ko talaga is to help the team win the championship,” wika ni Valdez, nagkaroon ng right knee injury sa fourth set sa Game Two kung saan tabla ang laro sa 13-13.
Ang back-to-back errors ng Army sa fourth set ang sumelyo sa tagumpay ng PLDT.
Naglaro lamang si Valdez para sa Ultrafast Hitters sa Game 1 ng Finals matapos magpahi-nga mula sa pagsabak sa UAAP beach volleyball tournament.
Nakamit naman ni Gorayeb ang kanyang ikatlong sunod na V-League crown matapos akayin ang Ultra Fast Hitters at ang Lady Bulldogs sa titulo ng Open Conference at Collegiate Conference, ayon sa pagkakasunod.
“As long as we become the champion, the Grand Slam is just a bonus,” sabi ni Gorayeb. “I didn’t even know that was a Grand Slam. I’m just thankful that I won three this year.”
Sa Philippine Superliga Grand Prix, tinalo ng Foton Tornadoes ang Petron Blaze Spikers sa Game Three, 25-18, 25-18, 25-17 para angkinin ang korona.
Muling nagbida sina American imports Lindsay Stalzer at Kathleen Messing nang kumamada ng game-high na 20 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, para tapusin ng Foton ang kanilang best-of-three championship series ng Petron sa 2-1.
“I know for us to have a chance in Game Three, we would need to put premium on defense. I’m happy we did,” sabi ni coach Villet Ponce-De Leon, ang unang woman coach na nagwagi ng PSL crown.
Sa nasabing 20 points ni Stalzer ay 18 dito ay mula sa kanyang kills, habang nagdagdag naman si rookie Jaja Santiago ng 11 points.
Nauna nang kinuha ng Tornadoes ang Game One, 14-25, 25-21, 25-19, 25-22, bago naagaw ng Blaze Spikers ang Game Two, 13-25, 21-25, 25-23, 24-26 para itabla ang serye sa 1-1 at makahirit ng Game Three.
Para makuha ang finals berth ay kinailangang talunin ng Tornadoes, umupong No. 4 seed, ang top seed na Philips Gold sa semifinals.
“I guess fairy tales happen in real life sometimes,” wika ni Ponce-De Leon sa kanilang pinagdaanan bago mapitas ang pinapangarap na kauna-unahang PSL crown.
Hinirang si Stalzer bilang league MVP.