MANILA, Philippines – Sa nakaraang limang edisyon ng Southeast Asian Games ay hindi na nakapasok ang Pilipinas sa Top Three sa overall medal standings.
Sa 28th edition ng SEA Games sa Singapore noong Setyembre 5 hanggang Hunyo 16 ay kumolekta ang mga Filipino athletes ng kabuuang 29 gold, 36 silver at 66 bronze medals para tumapos sa ikaanim na posisyon sa overall championship.
Malayung-malayo ang mga numerong ito sa nahakot na 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals nang magkampeon noong 2005 na pinamahalaan ng bansa.
Sa kabila nito, naghugas-kamay ang Philippine Sports Commission sa nakakadismayang kampan-ya ng delegasyon sa 2015 Singapore SEA Games.
“While our showing in Singapore was not outstanding, it wasn’t a failure…it was fair,” sabi ni PSC chairman Ricardo Garcia sa naging kampan-ya ng kabuuang 460 national athletes.
Ayon pa kay Garcia, ang paglaki ng bilang ng delegasyon ay dahil sa pagkakasama ng mga team sport na basketball (men at women), softball (men at women), rugby (men at women), volleyball (men at women) at football.
Nagbigay ng isang gintong medalya ang men’s basketball na kinatawan ng Gilas Cadet ni coach Tab Baldwin tampok ang paglalaro ni naturalized player Marcus Douthit, at ang softball at men’s rugby.
Hinirang na overall champion ang Thailand matapos kumolekta ng 95 gold, 83 silver at 69 bronze medals kasunod ang Singapore (84-73-102), Vietnam (73-53-60), Malaysia (62-58-66) at Indonesia (47-61-74).
Nasa ika-pito naman ang Myanmar (12-26-31), ika-walo ang Cambodia (1-5-9), ikasiyam ang Laos (0-4-25), ika-10 ang Brunei Darussalam (0-1-6) at ika-11 ang Timor-Leste (0-1-1).
Noong 2007 sa Thailand ay pumang-anim ang bansa sa naiuwing 41 gold, 91 silver at 96 bronze medals kasunod ang pagiging No. 5 (38-35-51) noong 2009 sa Laos, ang pagiging No. 6 (36-56-77) noong 2011 sa Jakarta at ang pagiging No. 7 (29-34-37) noong 2013 sa Myanmar.
Kagaya ng PSC, ipinagmalaki rin ng Philippine Olympic Committee ang pagiging sixth placer ng bansa sa Singapore SEA Games.
“Ang amin naman talaga is to improve in the previous ranking eh. Doon naman tayo napunta kasi dati seventh tayo. But what is noticeable also is right now sa pagkakatanda ko, except for wushu, all the medals that we gained came from Olympic sports,” wika ni POC second vice-president Joey Romasanta.
Ang mga nakuhang gold medal na tinukoy ni Romasanta ay nagmula sa mga Olympic sports kagaya ng boxing, athletics at taekwondo.
“Malaking bagay ‘yun kasi even Southeast Asia is concerned about the declining gold medals from the Olympics (sports),” ani Romasanta.
“Kasi napupunta tayo sa mga indigenous sports, sa traditional ang cultural sports, mga ganyan.”
Inamin ni Garcia na kailangan ng isang himala para muling makamit ng bansa ang overall crown ng SEA Games.
Kaya naman maging sa 29th edition ng SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa 2017 ay hindi tiyak ni Garcia kung makakapasok ang bansa sa Top Three sa overall championship.
“It’s hard to tell if we can finish fourth because it would all depend on the host,” wika ni Garcia.
Umaasa ang PSC chief na makakabawi ang bansa sa inaasahang pagho-host ng biennial event sa 2019.