MANILA, Philippines – Parehong winakasan ng Far Eastern University at ng Letran College ang kanilang 10 taon na pagkauhaw sa korona ng UAAP at NCAA men’s basketball tournament, ayon sa pagkakasunod, sa taong 2015.
Nasa kanilang pinakahuling playing year, ibinuhos nina RR Pogoy, Mike Tolomia at Mac Belo ang lahat ng kanilang lakas para tulungan ang FEU Tamaraws na tapusin ang kanilang 10 taon na paghahanap ng UAAP crown.
Nagtuwang sina Pogoy, Tolomia at Belo sa fourth quarter para igiya ang Tamaraws sa 67-62 panalo laban sa University of Sto. Tomas Tigers sa Game Three at angkinin ang titulo ng 78th UAAP men’s basketball tournament noong Disyembre 2 sa harap ng 23,124 fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Nandun yung pressure pero nag-commit ang bawat isa. Ayun, nakabalik naman kami,” sabi ng 6-foot-4 na si Belo, kumamada ng 23 points kasama ang isang mahalagang free throw at depensa laban kay Ed Daquioag ng Tigers.
Hinirang si Belo bilang Finals MVP matapos magposte ng mga averages na 17.3 points, 10.7 rebounds at 1 shot block sa championship series.
Bago suwagin ang UAAP title ay tatlong beses napagkaitan ng kampeonato ang Morayta-based team matapos matalo sa Ateneo De Manila University, De La Salle University at National University.
Iginiya ni coach Nash Racela ang FEU sa kanilang kabuuang ika-20 UAAP championship.
“This is a good gift from my players. That’s something that they guaranteed,” wika ni Racela. “They delivered and I’m really thankful.”
Maliban kina Belo, Tolomia at Pogoy, ang tatlo pang natapos ang playing years sa UAAP ay sina Russel Escoto, Achie Inigo at Francis Tamsi.
Sa kabila ng pagkawala ng anim niyang key players, naniniwala pa rin si Racela na matagumpay nilang maipagtatanggol ang UAAP title sa 79th UAAP season sa 2016.
Muli namang nakamit ng Letran Knights ang NCAA crown matapos banderahan nina point guard Mark Cruz, forward Kevin Racal at Jomari Sollano sa 85-82 overtime win nila laban sa five-peat champions na San Beda Red Lions sa Game Three ng 91st NCAA men’s basketball championship noong Oktubre 29 sa harap ng 20,158 manonood sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bago pa man ang NCAA season ay walang naniwala sa Letran na makakapasok sa Final Four dahil sa pagkawala ng kanilang pitong inaasahang players.
“Hindi ko ma-explain. Sobrang saya ko talaga kasi ang tagal naming hinintay ito,” sabi ni Racal, umiskor ng team-high 23 points. “Ten years, ang sarap talaga dahil nakuha namin ito.”
Ilang araw makaraang ihatid ang Knights sa NCAA title ay lumipat naman si Ayo sa La Salle Green Archers, sinibak ng nagkampeong FEU Tamaraws sa Final Four ng 78th UAAP season, bilang kapalit ni Juno Sauler.
Sa kabila ng paglipat ni Ayo sa Green Archers ay umaasa ang Knights na maidedepensa nila ang NCAA title sa 92nd season sa 2016.