MANILA, Philippines – Magbabalik sa aksyon si UFC superstar Anderson Silva sa Pebrero 27, 2016 makaraang tapusin ang kanyang one-year suspension para sa paggamit ng steroid.
Ito ang inihayag kahapon ni UFC president Dana White kaugnay sa 40-anyos na dating middleweight champion na haharap kay Michael Bisping sa O2 Arena sa London.
Ang laban nina Silva at Bisping ay ipapalabas lamang sa Fight Pass, ang digital subscription service ng UFC.
Nagdomina si Silva (33-6) sa 185-pound division ng halos pitong taon bago natalo ng dalawang beses noong 2013 kay Chris Weidman.
Sa kanilang rematch ay nabalian ng binti ang Brazilian na si Silva.
Nagbalik si Silva noong Enero 31, 2015 para sa kanyang decision victory kay Nick Diaz sa UFC 183, ngunit sinuspinde siya ng Nevada Athletic Commission matapos maging positibo sa paggamit ng steroid.