MANILA, Philippines – Walang personalan, trabaho lang.
Ito ang nasa isip ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone ng Barangay Ginebra sa pagsagupa niya sa dating tropang Star sa quarterfinal round ng 2015-2016 PBA Philippine Cup.
“We both wanna go out there and win. I love the Purefoods (Star) guys dearly, but at this point there’s no love lost between us,” sabi ni Cone, gumiya sa San Mig Coffee (ngayon ay Star) sa PBA Grand Slam noong 2013.
Lalabanan ng No. 4 Gin Kings, nagdadala ng ‘twice-to-beat’ advantage, ang No. 9 Hotshots ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sakaling manalo sa Star ay aabante ang Ginebra sa knockout phase papasok sa semifinals kung saan naghihintay ang No. 1 Alaska at No. 2 San Miguel, ang nagdedepensa sa korona.
Inangkin ng Gin Kings ang No. 4 ticket nang paluhurin ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 91-84, noong nakaraang Linggo kung saan kumolekta si seven-foot center Greg Slaughter ng game-high na 27 points.
Nag-ambag si 6’8 forward Japeth Aguilar ng 17 markers kasunod ang 12 ni point guard Sol Mercado.
Pinatumba ng Star ang Ginebra, 86-78, sa kanilang unang pagkikita noong Oktubre 25 kung saan sila lumamang ng 31 points.
“Those Purefoods (Star) players obviously know how to play in the playoffs, they know how to get themselves ready for the playoffs,” sabi ni Cone.
Bagama’t nanalo sa una nilang banggaan ay hindi nagkukumpiyansa ang Hotshots sa muling pagharap sa Gin Kings.
“The first time that we met that was a team that was still figuring out how to play together. Now, they’re already on a different level that they’ve already figured out a way to win,” sabi ni Star rookie mentor Jason Webb.
Kasalukuyang sumasakay ang Ginebra sa three-game winning streak.
Sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, PJ Simon, Marc Pingris, Alex Mallari at Mark Barroca ang muling babandera sa Star.
Sa unang laro sa alas-4:15 ng hapon ay magtatagpo naman ang No. 5 Globalport, may bitbit na ‘twice-to-beat’ edge, at ang No. 8 Barako Bull.
Tinalo ng Batang Pier ang Energy sa una nilang paghaharap, 105-91, sa eliminasyon.
“Kailangan naming ibigay ‘yung best namin,” sabi ni Globalport scoring guard Terrence Romeo, makakatuwang si Stanley Pringle. “Iyong mga mistakes namin, kailangan naming ma-correct.”
Sina Willy Wilson, JC Intal, Carlo Lastimosa at RR Garcia ang aasahan naman ng Energy.