‘Chaotic system’ gagamitin ni Ayo sa Green Archers
MANILA, Philippines – Kung naging mabisa ang kanyang paggamit ng ‘chaotic system’ sa paghahari ng Letran Knights sa 91st NCAA season, ito rin ang ipapatupad ni coach Aldin Ayo sa kanyang paglipat sa De La Salle Green Archers sa 79th UAAP season sa susunod na taon.
Ang naturang sistema ay nagpapakita sa full court press ng Knights para makapuwersa ng turnover sa kanilang kalaban.
“I’ll be using the same system, different materials and if you compare Letran to La Salle, they have different strengths eh,” wika ni Ayo sa panayam ng “The Daily Serve” sa ANC.
Matapos ihatid ang Knights sa kampeonato ng nakaraang NCAA season ay lumipat si Ayo sa kampo ng Green Archers para palitan si Juno Sauler, nagretiro matapos mabigong igiya ang La Salle sa Final Four ng Season 78 tournament.
Naniniwala si Ayo na mas katatakutan ang Green Archers sa 79th UAAP kapag nagamay ang kanyang sistema.
“La Salle, with the offensive firepower that they have, if they play defense same as we did in Letran, I’m very optimistic this coming season,” wika ni Ayo.
Nakasama na ni Ayo ang ilang La Salle players sa kanyang ipinatawag na ensayo.
“Although hindi naman kumpleto kasi ‘yung mga Fil-Ams they left early for the Christmas vacation, pero ‘yung mga locals na nandoon they responded well, they are very cooperative,” wika ni Ayo.
Umaasa si Ayo na madadala niya ang Green Archers sa Final Four.
- Latest