OAKLAND, California – Patapos na sa kanyang pagdidisenya ng play si interim coach Luke Walton nang sumingit si Stephen Curry at sinabing bigyan ng isang play si Klay.
Sumunod naman si Walton at maging si Klay Thompson.
“I stepped in. I need to be a little quicker,’’ sabi ni Curry. “I raised my hand. We got a bucket on it, too. It worked.’’
Kumamada si Thompson ng 27 sa kanyang season-high na 43 points sa third quarter para pangunahan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 128-103 paglampaso sa Phoenix Suns.
Tumipa si Thompson ng 15-of-22 shots at nagsalpak ng 8-of-13 clip sa 3-point range para sa kanyang 40-point game ngayong season.
Ito ang unang laro ng Warriors makaraang wakasan ng Milwaukee Bucks ang kanilang record na 24-0 start noong nakaraang Sabado.
Natapos din ang 28-game overall winning streak ng Warriors, ang ikalawang pinakamahaba sa NBA history.
Nagdagdag si Curry ng 25 points mula sa 10-of-14 shooting bukod pa sa 7 assists sa pagbabalik ng Warriors sa kanilang tahanan matapos ang two-week road trip na nagtapos sa 95-108 kabiguan sa Milwaukee Bucks noong Sabado.
Kumolekta si Draymond Green ng 16 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-apat na triple-double ngayong season.
Pinamunuan naman ni Mirza Teletovic ang Suns sa kanyang 24 points.
Ang 46 points sa third quarter ng Golden State ay ang pinakamalaking produksyon sa isang quarter sa NBA ngayong season.
Gumamit ang Warriors ng 58-19 run para angkinin ang 96-61 kalamangan matapos iwanan ng Suns sa 42-38 sa first half.
Sa Oklahoma, umiskor si Kevin Durant ng 24 points para pagbidahan ang Thunder sa 106-90 panalo laban sa Portland Trail Blazers.
Ito ang kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Nagsalpak si Durant ng 8-of-14 fieldgoal shooting bukod pa sa 8 rebounds at 4 assists sa paggiya sa anim pang Thunder players sa doubles figures, kasama si guard Dion Waiters na naglista ng 18 points mula sa bench.
Kapwa tumikada sina guard Russell Westbrook at forward Serge Ibaka ng tig-13 points para sa Oklahoma City (17-8).
“We feel like we can get into the paint whenever we want,” sabi ni Durant. “Our bigs did a good job of rebounding and finishing. We knew we could get anything we wanted if we were aggressive. In the second half we did that.”
Binanderahan naman ni guard CJ McCollum ang Blazers sa kanyang 24 points mula sa 9-of-18 fieldgoal shooting.
Nagdagdag si guard Damian Lillard ng 20 points para sa Portland.