AUBURN HILLS, Mich. – Nagsalpak si Jamal Crawford ng isang 3-pointer sa natitirang 12.4 segundo sa overtime at pinataob ng Los Angeles Clippers ang Detroit Pistons, 105-103.
Kumonekta si Blake Griffin ng dalawang free throws sa huling 38.8 segundo para ibigay sa Clippers ang 102-101 bentahe bago nakatabla ang Pistons nang tumipa ng isang freethrow si Kentavious Caldwell-Pope sa nalalabing 30.5 segundo.
Matapos ang triple ni Crawford ay binigyan ng Clippers ng foul si Reggie Jackson sa huling 9.3 segundo kung saan naipasok nito ang isa sa dalawang free throws.
Bagama’t may tsansa ang kanyang kakamping si Andre Drummond na maipanalo ang Detroit, nabigo itong ipasok ang dalawa niyang tip-ins.
Naimintis naman ni Jackson ang kanyang desperadong tira sa pagtunog ng buzzer.
Tumapos si Griffin na may 34 points para sa Clippers, habang nagdagdag si J.J. Redick ng 24 markers at nagtala si Chris Paul ng 13 points at 12 assists.
Pinamunuan naman ni Jackson ang Pistons sa kanyang 34 points, 11 rebounds at 7 assists at naglista si Drummond ng 20 points at 15 rebounds.
Sa Denver, umiskor si Will Barton ng 23 points, kasama dito ang dalawang game-sealing free throws sa huling 13.5 segundo para igiya ang Nuggets sa 114-108 panalo sa Houston Rockets.
Nag-ambag si Gary Harris ng career-high na 21 points para tulungan ang Nuggets na kumpletuhin ang three-game sweep sa Rockets sa kanilang season series.
Binanderahan ni James Harden ang Houston sa kanyang 24 points na kinatampukan ng kanyang limang tres sa season-high na 18 3-pointers ng Rockets.
Sa Atlanta, kumolekta si Chris Bosh ng 24 points, samantalang nagdagdag si Gerald Green ng 20 para tulungan ang Miami Heat sa 100-88 paggiba sa Hawks.
Nag-ambag si Goran Dragic ng 12 points bagama’t natanggalan ng ngipin sa third quarter.
Nagmula ang Miami sa panalo sa Memphis Grizzlies kung saan sila nakabangon mula sa 16-point deficit.
Nagbalik naman si Kent Bazemore sa starting lineup ng Atlanta at kumamada ng career-high na 28 points.
Sa Portland, Oregon, umiskor si Damian Lillard ng 30 points nang igupo ng Portland ang New Orleans sa ikapitong sunod na pagkakataon.
Nagdagdag si Gerald Henderson ng 19 points off the bench para sa Blazers. Pinantayan niya ang kanyang career high sa apat na 3-pointers.