MANILA, Philippines – Sa bagong one-year contract ng bagong WBO superbantamweight champion Nonito Donaire, Jr.’ sa Top Rank ay nakasaad na tatlong beses siyang lalaban sa 2016.
Sinabi kamakalawa ng Filipino Flash na kahit sino ay kanyang lalabanan sa ibabaw ng boxing ring.
Nagmula ang 33-anyos na si Donaire sa unanimous deicison win kay Mexican Cesar Juarez para muling angkinin ang WBO 122-pound crown sa San Juan, Puerto Rico.
Dalawang beses niyang pinabagsak si Juarez sa fourth round bago nagkaroon ng foot injury sa sixth round.
Nalampasan niya ang pagbabalik ni Juarez sa pamamagitan ng pagpapakita ng katapangan para kunin ang panalo.
Hindi sumuko si Donaire bagama’t sumasakit ang kanyang kaliwang paa bukod pa sa nakorbong kaliwang hinlalaki sa kamay.
Sa kabuuan ng laban ay pinilit ni Juarez na kornerin si Donaire ngunit nabigong makakonekta ng mga solidong suntok.
Nakatakdang umuwi si Donaire at ang kanyang pamilya dito sa bansa sa Huwebes sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight mula sa Los Angeles.
Sinabi ni Donaire na payag siyang bigyan ng rematch si Juarez, ngunit may iba pa siyang maaaring labanan.
Isa dito ay ang mananalo sa IBF/WBA superbantamweight unification championship duel nina Carl Frampton at Scott Quigg sa Feb. 27, 2016 sa Manchester.
Nauna nang inayos ng manager ni Donaire na si Cameron Dunkin ang laban nito kontra kay Quigg para sana sa WBA title.
Ngunit bumagsak ang usapan nang pumasok si Frampton at alukin si Quigg ng unification showdown.
Ang isa pang option ni Donaire ay ang laba-nan si WBO No. contender Jessie Magdaleno.
Nang hubaran ng WBO ng super bantamweight title si Cuban Guillermo Rigondeaux ay itinaas ng governing body si Juarez bilang No. 1 contender kasunod sina Donaire at Magdaleno.
Sinabi ng WBO na ang mananalo kina Donaire at Juarez ang lalaban kay Magdaleno bilang mandatory challenger.