Philippine team nag-uwi ng 17-medalya mula sa ASEAN School Games
MANILA, Philippines – Kumolekta ang Philippine delegation ng kabuuang 17 medalya, ang tatlo dito ay ginto sa katatapos na 7th Association of South East Asian Nations (ASEAN) Schools Games sa Brunei.
Ito ang iniulat ng Department of Education (DepEd) sa paghugot din ng grupo ng tatlong silver at 11 bronze medals mula sa naturang kompetisyon.
Inangkin nina Jose Jerry Belibestre, Jr. at Bryan Pacheco ang dalawang gold me-dals sa long jump at javelin throw events, ayon sa pagkakasunod. Pumitas din si Pacheco ng bronze medal sa shot put throw.
Ang silver medal ay nanggaling naman kay Martin James Esteban matapos pumangalawa sa triple jump.
Ang iba pang atletang kumuha ng bronze medals ay sina Gilbert Rutaquio sa 2,000m steeple chase at Angel Cariño sa long at triple jump.
Sa golf, inangkin ni Yuka Saso ang gold medal sa individual, habang nakamit ni Harmie Nicole Constantino ang bronze.
Tansong medalya rin ang nasikwat nina Samantha Marie Bruce, Ashia Marie Nocum, Yuka Saso at Harmie Nicole Constantino sa team event.
Sa swimming, nilangoy ni Arian Neil Puyo ang silver medals sa 100m breastroke at 100m backstroke at bronze sa 200m backstroke.
Kinuha ni Maurice Sacho Ilustre ang silver at bronze medal sa 100m at 200m freestyle at sa 200m butterfly, habang bronze medal ang ibinulsa ni Nicole Meah Pamintuan sa girls 200m backstroke.
Sa badminton, hinataw ni Mark Shelly Alcala ang bronze medal sa singles event.
Bukod sa Pilipinas, ang iba pang lumahok sa ASG ay ang Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam at Brunei Darussalam.
Layunin ng ASEAN Schools Games (ASG) na maging daan ang sports sa regional peace at stability.
- Latest