MANILA, Philippines - Muling ipinakita ni Alyssa Valdez ang kanyang husay, habang tuluyan nang nakamit ni coach Roger Gorayeb ang inaasam niyang ‘three-peat’.
Sa ikalawang sunod na laro ay binanderahan ng 5-foot-9 na si Valdez ang PLDT Home Ultera para angkinin ang korona ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference matapos walisin ang karibal na Philippine Army sa kanilang championship showdown sa The Arena sa San Juan City kamakalawa.
Matapos angkinin ang Game One, 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16, ay ipinoste naman ng Ultrafast Spikers ang 25-21, 25-22, 22-25, 25-21 panalo sa Game Two para sa kanilang sweep sa Lady Troopers sa best-of-three cham-pionship series.
Ito pa lamang ang unang dalawang laro ni Valdez sa torneo matapos magpahinga sa elimination hanggang semifinal round.
Sa panalo ng PLDT sa Game One ay kumamada si Valdez ng 25 points, habang naglista naman ang Ateneo Lady Eagle ng game-best na 22 hits sa Game Two para pabagsakin sa serye ang Army.
“Ang goal ko talaga is to help the team win the championship,” wika ni Valdez, nagkaroon ng right knee injury sa fourth set sa Game Two kung saan tabla ang laro sa 13-13.
Sa kanyang pagbabalik ay humataw si Valdez ng kanyang mga matutulis na spikes para akayin sa tagumpay ang koponan ni Gorayeb.
Hinirang si Valdez bilang Finals Most Valuable Player para idagdag sa nauna niyang nakamit na Open at Collegiate Conference MVP trophies.
“I’m thankful for it but I’m more concerned giving this team another championship,” sabi ni Gorayeb, nakumpleto ang ‘Grand Slam’ matapos igiya ang Ultrafast Hitters sa korona ng nakaraang Open Conference at ang National University Lady Bulldogs sa titulo ng Collegiate Conference.
“Hindi ko na iniisip ‘yung grand slam, basta manalo, basta mag-champion lang,” dagdag pa ng veteran mentor.
Bukod kay Valdez, muling nakakuha ng solidong laro ang PLDT kina American imports Sareea Freeman at Victoria Hurtt para sa kanilang ikalawang sunod na titulo matapos pagreynahan ang Open Conference noong May.
Samantala, inangkin naman ng University of the Philippine Lady Maroons ang third place trophy matapos talunin ang Navy Lady Sailors.
“We wanted to get as much experience as possible because this atmos-phere, the air-conditioning, the crowd, the cameras,” sabi ni coach Gerry Yee sa kanyang Lady Maroons, tinalo ng Ultrafast Hitters sa semifinals.