DALLAS – Umiskor si James Harden ng 25 points matapos ang masamang shooting sa simula kontra sa Dallas, upang igupo ng Houston Rockets ang Mavericks, 100-96 .
Si Harden na nagmintis ng kanyang unang 11 na tira sa kanilang pagka-talo sa Dallas sa kanilang home court noong nakaraang buwan, ay 3-of-12 sa first half bago nagpasok ng pito sa 11-tira sa sumunod na bahagi ng labanan. Kabilang dito ang clinching jumper na tumama sa rim at backboard bago tumalbog sa rim ng ilang beses pa para itala ang four-point lead sa huling 7-segundo ng labanan.
Ang All-Star guard ay mayroon ding nine assists, kabilang ang isa kay Terrence Jones para sa wide-open dunk na naglagay sa Houston sa 98-96 pa-ngunguna sa final minute.
Tumapos si Deron Williams ng 22 points at six assists para pangunahan ang Mavericks.
Sa New Orleans, nagposte si Anthony Davis ng 31 points, 12 rebounds at four steals nang malampasan ng New Orleans ang paghataw ni LeBron James sa fourth quarter upang igupo ang Cleveland sa overtime, 114-108.
Umiskor si Davis ng anim na puntos sa extra period mula sa tatlong jumpers lagpas sa 12 feet.
Lumamang ang Pelicans ng 13 wala nang pitong minuto ang natitira sa fourth quarter. Bumawi ang Cavs para kunin ang liderato kung saan umiskor ng 21 si James sa kanilang huling 24-puntos sa regulation.
Itinabla ni Jrue Holiday ang New Orleans sa pamamagitan ng kanyang tres, 105-all sa natitirang 8-segundo bago nagmintis si James, tumapos ng 37 points, ng 19-footer na nagpanalo sana sa Cavs.
Di nakaiskor si James sa overtime at nagmintis ng dalawang tira.
Sa New York, umiskor si Carmelo Anthony ng 28 points, nagtala si Kristaps Porzingis ng 19 at tinalo ng New York ang Brooklyn 108-91.
Nagdagdag si Arron Afflalo ng 18 points para sa Knicks (10-10), dinomina ang mahinang Philadelphia at Brooklyn sa kanilang huling 2-laro matapos ang four-game losing streak. Lumamang sila ng hanggang 31 points.
Sa Atlanta, nagtala si Al Horford ng 16 points, tig-15 sina Paul Millsap at Kent Bazemore nang igupo ng Hawks ang Los Angeles, 100-87 para diskarilin si Kobe Bryant sa kanyang huling laro sa Atlanta.