MANILA, Philippines – Isang linggong pinag-aralan ni coach Roger Gorayeb ang kilos nina imports Sareea Freeman at Victoria Hurtt kasama si Alyssa Valdez at tatlo pang bahagi ng starting six ng PLDT Home Ultera.
“I will stick with the same starting six and if it didn’t work out well, I could go back to my local players again,” sabi ni Gorayeb, hangad makamit ang kanyang ‘Grand Slam’ bilang head coach.
Hangad ng Ultrafast Hitters na walisin ang karibal na Army Lady Troopers para tuluyan nang angkinin ang korona ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference.
Maglalaban ang PLDT at ang Army sa Game Two ngayong alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng Navy at University of the Philippines sa alas-12:45 ng tanghali para sa agawan sa ikatlong puwesto sa The Arena sa San Juan City.
Sa likod ng 25 points ni Valdez ay pinadapa ng Ultrafast Hitters ang Lady Troopers, 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 sa Game One para makalapit sa kanilang ikalawang sunod na titulo ngayong season.
Sa naturang laro natunghayang muli ang husay ng 5-foot-9 na si Valdez, hindi nagpakita sa elimination round at semifinal games dahil sa kanyang commitment sa Ateneo Lady Eagles bukod pa sa kanyang injury.
Nakatuwang ni Valdez sa panalo ng Ultrafast Hitters sa Game One si Gretchel Soltones, ang NCAA MVP na humataw ng 12 points.
Sapat na pagbibida nina Valdez at Soltones para tabunan ang pinagsamang 13 points nina Freeman at Hurtt.
Bagama’t nalimitahan nila sina Freeman at Hurtt ay natakasan pa rin ang Lady Troopers sa huling tatlong sets.
“Breaks of the game,” sabi ni Army mentor Kungfu Reyes, iginiya ang Lady Troopers sa six-win start bago natalo sa Ultrafast Hitters sa series opener.
“We had so many chances but we just couldn’t cash in on our opportunities,” dagdag pa nito.