MANILA, Philippines – Ang mahinang depensa ang dahilan kung bakit hindi nawalis ng Foton ang Petron sa Game Two ng kanilang titular showdown.
Ngunit tiniyak ni coach Vilet Ponce-de Leon na hindi na ito mu-ling mangyayari.
Ipinakita ang kanilang pinakamahusay na defensive game sa season, pinatumba ng Tornadoes ang dating reynang Blaze Spikers sa Game Three, 25-18, 25-18, 25-17 para angkinin ang korona ng Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kagaya ng inaasahan, muling nagbida sina American imports Lindsay Stalzer at Kathleen Messing nang kumamada ng game-high na 20 at 14 points, ayon sa pagkakasunod para tapusin ng Foton ang kanilang best-of-three championship series ng Petron sa 2-1.
“I know for us to have a chance in Game Three, we would need to put premium on defense. I’m happy we did,” sabi ni Ponce-De Leon, ang unang woman coach na nagwagi ng PSL crown.
Sa nasabing 20 points ni Stalzer ay 18 dito ay mula sa kanyang kills, habang nagdagdag naman si rookie Jaja Santiago ng 11 points.
Nauna nang kinuha ng Tornadoes ang Game One, 14-25, 25-21, 25-19, 25-22 bago naagaw ng Blaze Spikers ang Game Two, 13-25, 21-25, 25-23, 24-26 para makahirit ng Game Three.
Nag-ambag naman sina Fil-Am Kayla Tiangco-Williams at Angeli Pauline Araneta ng tig-6 hits para sa Foton.
Para makamit ang finals berth ay kinailangang talunin ng Tornadoes, umupong No. 4 seed, ang top seed na Philips Gold sa semifinals.
“I guess fairy tales happen in real life sometimes,” wika ni Ponce-De Leon sa kanilang pinagdaanan bago mapitas ang pinapangarap na kauna-unahang PSL crown.
Hinirang naman si Stalzer bilang league MVP.
Ngunit mas masarap pa rin para kay Stalzer ang manalo ng korona.
“It’s always feels sweet winning a championship, individual awards come far behind,” ani Stalzer.
Bagama’t masakit ay tinanggap ni coach George Pascua ang kabiguan ng Blaze Spikers na nabigong makamit ang inaasam na ‘three-peat’.