MANILA, Philippines – Itutuloy ang kasiyahan na nagsimula noong Linggo sa mga pakarera ng Santa Ana Park nga-yong gabi dahil sa P1,478,789.37 na carry over sa winner take all na paglalabanan.
Pitong karera ang ginawa ng handicapping bureau ng Philippine Racing Club, Inc. kaya doble kayod ang bayang karerista na umaga pa lang ay nagre-review na ng kanilang mga isasama sa ruta.
May tatlong karera na may ipinapalagay nang angat ng mga tipsters na puwede ring gawing pang-single para mapatipid ang pagdiskarte sa mga napipisil na mananalo.
Sa PRCI special race-16 na nakalinya sa ikatlong karera ay ipinalalagay na aangat ang Con Te Partiro, isang apat na taong kastanyang kabayo na gagabayan ni Louie D. Balboa laban sa anim pang kalaban.
Sa sinundang karera na isa namang special race-19 ay si Andre’s Easter na muling susubukan kay Dan Camañero na siya namang napipisil ng mga silip boys. Nagparemate na ito nitong nakaraang Linggo ngunit kinapos kaya mag-a-adjust si Camañero para sa ibang diskarte.
Sa mas mababang grupo na special race-21 naman nakasama ang isa pa sa mga matunog na Katmae na inaasahang sasakyan ni class-c jockey R.V. Poblacion. Isa nang “senior” ang Katmae na isang babaeng alasang kabayo sa edad na sampung taon.
Sa unang karera na isang handicap-6, kasali ang Tony Pee, Erik The Viking, King’s Reward at ang coupled runners Beach Surfer at Mahogany Red. Puwede ring makasilat ang Ready And Waiting.
Ang Swerteng Lohrke na kabayo ng dyarista ring si Estanislao Lazaro ang pinapaborang manalo bagama’t kalaban ang Jupiter Thunder, Black Label, Ayan Na, Think Thank at Ideal View.