Low Profile pinakitaan ang Hagdang Bato

MANILA, Philippines – Ang mga pakarera ng Philippine Thoroughbred Owners Organization ay nilambungan ng pakarera ng Philippine Charity Sweepstake Office dahil sa pagtatagpo ng magkaribal na Hagdang Bato at Low Profile.

Maaga pa ay inabangan ng mga racing oficionados ang labanan ng kampeong Hagdang Bato kontra sa  Low Profile na siyang nagsilbing pinaka-highlight ng mga pakarera kahapon sa obalo ng Santa Ana Park sa Naic Cavite.

Ang siste, liyamado sa bentahan ang panlaban ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos Jr. na Hagdang Bato na dating kampeon sa larangan ng mga stakes races. At second pick naman ang Low Profile na kabayo naman ni Mayor Ruben Dimacuha ng Batangas.

Sa labanan ay muling nagtagisan ng bilis at liksi ang dalawang natatanging pangkarera. Unang lumukso para kunin ang trangko ni Low Profile na ginabayan ni Mark A. Alvarez at kasunod naman sa likuran si Hagdang Bato na ginabayan ng suwerteng hineteng si Jonathan B. Hernandez.

Maski sa unang kuwarto, segunda kuwarto, tersero kuwarto at ultimo kuwarto ay hindi man lamang nakabuntot ang pamosong kabayo ni Abalos sa apat na taong kastanyong kinundisyon ni Conrado Vicente.

Sigawan at hiyawan ang nadidinig sa mga karerista na animo’y magbibigay dagdag lakas pa kay Hagdang Bato para malampasan at maungusan ang Low Profile na nakapamigura na sa harapan, pero hindi ito nangyari.

Binagtas ng Low Profile, apat na taong gulang na kastanyang kabayong mula sa istalyong Tribal Rule at inahing Lacquania ang distansiyang 1,600 metro sa bilis na 25-med-ya, 23-medya, 23-medya at parating na 26.-medya para sa tiyempo na 1:39 na siyang Philippine record time para sa isang milya.

Ang panalo ay nagdag-dag yaman na P800,000 para sa koneksyon nina Dimacuha, Vicente at Alvarez. Sa pagiging runner-up ay nag-umento naman ito ng P350,000 sa koneksyon nina Abalos, Ruben Tupas at J.B. Hernandez.

Nauna nang nakapagpasikat ang hineteng si J.B. Hernandez nang maipanalo ang Most Trusted sa juvenile fillies sa halagang P600,000 at gayundin sa pagkakapanalo niya sa Sampaguita Stakes sakay ng Malaya sa papremyong P900,000 ngunit nasilat siya ni Alvarez sa PCSO anniversary race. (JM)

Show comments