OAKLAND, California – Humugot si Stephen Curry ng 17 sa kanyang 19 points sa first quarter at itinala naman ni Draymond Green ang kanyang ikalawang sunod na triple-double sa pagdiretso ng Golden State Warriors sa kanilang NBA record na 18 sunod na panalo sa 120-101 paggiba sa Sacramento Kings.
Lumamang ng 10 points sa halftime, binuksan ng defending champion Warriors ang third quarter sa pamamagitan ng 27-8 atake na kinatampukan ng apat na 3-pointers ni Brandon Rush para iwanan ang Kings ng 29 points.
Mula dito ay hindi na nakalapit ang Sacramento.
Humakot naman si Green ng 13 points, 11 rebounds at 12 assists para ma-ging unang Warriors player na nagposte ng back-to-back triple-doubles matapos si Wilt Chamberlain noong 1964.
Sa 135-116 panalo sa Phoenix Suns kamakalawa ay naglista si Green ng 14 points, 10 rebounds at 10 assists.
Tumapos si Rush ng may 16 points kasunod ang 15 ni Klay Thompson para sa Warriors.
Umiskor naman si Rudy Gay ng 20 points sa panig ng Kings.
Sa San Antonio, tumipa si forward Kawhi Leonard ng 22 points at anim na San Antonio players ang nagtala ng double-figures sa 108-88 paggupo ng Spurs sa Atlanta Hawks.
Muing pinamunuan ni Leonard, kumamada ng 15 points sa first half, ang Spurs sa scoring sa ikaanim na sunod na laro.
Itinala ng San Antonio (14-3) ang 9-0 record sa kanilang AT&T Center ngayong season at naipanalo ang 11 sa kanilang huling 12 laro.