PLDT amoy na ang V-League title
MANILA, Philippines – Nang mabigong makakuha ng produksyon sa kanilang dalawang imports ay umasa ang PLDT Home Ultera kay Alyssa Valdez at sa mga local players para kunin ang come-from-behind 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 win laban sa Army sa Game One para makalapit sa pagsikwat sa korona ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Valdez, nasa kanyang unang laro sa conference, na may match-best na 25 hits, kasama ang 22 kills para sa 1-0 bentahe ng Ultrafast Hitters sa kanilang best-of-three title duel ng Lady Troopers.
Inamin ni coach Roger Gorayeb na malaking bagay ang paglalarong muli ni Valdez sa PLDT laban sa Army.
“She’s an integral part of this team and she showed it in this game,” wika ni Gorayeb sa Open at Collegiate Conferences Most Valuable Player.
Nauna nang binigo ng Ultrafast Hitters ang Lady Troopers sa finals ng nakaraang Open Conference noong Mayo.
May pagkakataon silang walisin ang serye sa Game Two sa Disyembre 6.
Kung magtatabla sa 1-1 ay itatakda ang ‘winner-take’all match sa Disyembre 13.
Nalimita naman sina American imports Victoria Hurtt at Sareea Freeman sa pinagsamang 13 points at hindi na ginamit ni Gorayeb sa huling dalawang sets.
Nagdagdag si Gretchel Soltones, ang NCAA MVP, ng 12 points para sa PLDT.
- Latest