MANILA, Philippines – Pinabagsak ng No. 4 Ateneo Lady Eagles ang karibal na No. 2 La Salle Lady Archers, 62-50, para sa kanilang pang-limang panalo sa ‘do-or-die’ game at umabante sa finals ng 78th UAAP women’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humugot ang Lady Eagles, tinabunan ang ‘twice-to-beat’ disadvantage sa Lady Archers, ng 15 points kay Hazelle Yam at 11 markers at 11 rebounds kay Danica Jose.
Lalabanan ng Ateneo ang nagrereynang National University, may bitbit na ‘thrice-to-beat’ advantage dahil sa 14-game sweep sa elimination round, sa best-of-three championship series na magsisimula sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang unang UAAP Finals appearance ng Lady Eagles matapos noong 2007 kung saan iginiya ni center Cassy Tioseco ang Ateneo sa korona.
Mula sa dikitang laro ay kumulapso ang La Salle sa gitna ng fourth quarter na sinamantala ng Ateneo para sa kanilang mga fastbreak points.
Ang 20 turnovers ng Lady Archers ay ginawang 18 points ng Lady Eagles.
Nauna nang tinalo ng Ateneo ang La Salle, 55-53, sa Game One ng kanilang semifinals duel.
Nagdagdag si Jolina Go ng 13 points para sa Lady Eagles.
Umiskor naman si Camille Claro ng 13 points, habang may 12 si Aracelia Abaca sa panig ng La Salle.
ATENEO 62 - Yam 15, Go 13, Jose 11, Tomita 9, Guytingco 7, Buendia 5, Javier 2, Aseron 0, Deacon 0, Newsome 0, Nitorreda 0.
La Salle 50 - Claro 13, Abaca 12, Vergara 8, Revillosa 4, Castillo 3, Ong 3, Penaranda 3, Dagdagan 2, Roxas 2, Vela 0.
Quarterscores: 15-12; 26-24; 38-38; 62-50.