Petron Blaze Spikers nangakong reresbakan ang Foton Tornadoes

LARO SA LUNES

(Cuneta Astrodome)

4 p.m. Petron vs Foton (Game 2, Finals)

 

MANILA, Philippines – Matapos matalo sa Fo­ton sa Game One ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix wo­men’s volleyball cham­pionship series no­ong Huwebes ay nangako ang nagdedepensang Petron na reresbak sila sa Game Two sa Lunes.

Sinabi ni Blaze Spi­kers’ coach George Pascua na gagawin nila ang lahat para makabawi sa Tornadoes at maitabla ang kanilang best-of-three title showdown.

“First time ito, so we treat it as a challenge,” wika ni Pascua, ha­ngad maging unang coach na nakakuha ng Grand Slam sa nasabing inter-club tournament na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo, Mikasa, Senoh at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang of­ficial broadcaster.

Nang angkinin ang ka­nilang unang Grand Prix crown katuwang si­na imports Alaina Bergsma at Erika Adachi  ay winalis ng Petron ang Generika sa finals.

Sa All-Filipino Con­fe­rence ay itinala nila ang 10-game sweep sa double-round eliminations bago gibain ang Sho­pinas sa finals.

Sa kanila namang pag­katalo sa Foton sa Game One ng kasalukuyang torneo ay maganda ang inilaro nina Adachi, Dindin Manabat, Rupia Inck at Aby Maraño sa opening set.

Ngunit biglang humina ang depensa sa se­cond at third sets na si­yang sinamantala ng Fo­ton.

Hinayaan din ng Blaze Spikers ang triple-tower ng Tornadoes na sina Lindsay Stalzer, Katie Messing at Jaja Santiago na magdomina sa sumunod na sets.

“Ang naging proble­ma namin, nadala sila ng emotions nila,” sabi ni Pascua. “Actually, ang volleyball is more of psychological rather than physical. Natalo ka­mi kasi naglaro sila based sa emotions, not on their willingness to and desire to win.”

“Kailangan tala­ga na mag-enjoy ka sa game kasi the more na nag-e-enjoy ka ay mas nale-lessen ‘yung pressure at tumataas ang adrenaline mo,” dagdag pa nito.

Show comments