Tamaraws balak walisin ang Tigers
LARO NGAYON
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. - Awarding ceremony
3:30 p.m. – FEU vs UST (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines – Noong nakaraang taon ay kinuha ng Far Eastern University ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three championship series bago sila binalikan ng National University para angkinin ang UAAP crown.
Ito ngayon ang iniiwasang maulit ng Tamaraws sa kanilang pagsagupa sa mapanganib na University of Sto. Tomas Tigers.
Hawak ang 1-0 abante, pipilitin ng FEU na walisin ang UST sa kanilang title showdown para sikwatin ang titulo ng 78th UAAP men’s basketball tournament.
“I think we learned our lessons from last year. We were up one game and we lost the next two games,” sabi ni Tamaraws’ coach Nash Racela sa pagsagupa sa Tigers sa Game Two ngayong alas-3:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
“It’s a good reminder for us to be humble and continue to work to correct things so that we’ll get another win. That’s the objective,” dagdag pa nito.
Tinalo ng FEU ang UST sa Game One, 75-64, noong nakaraang Miyerkules kung saan nila naisuko ang itinayong 14-point lead.
Muling sasandalan ng Morayta-based team sina Mac Belo, Mike Tolomia, Roger Pogoy, Raymar Jose, Russel Escoto at Francis Tamsi.
Huling nagkampeon sa UAAP ang Tamaraws noong 2005 sa likod ni Arwind Santos, habang naghari naman ang Tigers noong 2006 mula sa paggiya ni mentor Pido Jarencio.
Dalawang beses nabigo ang UST na mapitas ang UAAP title nang matalo noong 2012 at 2013.
At ito ang gagawing motivation ni coach Bong Dela Cruz para patatagin ang Tigers.
“Sa mga veterans, nasa inyo na ‘yan kung papayag kayo na for the third time. The third time na uuwi tayo ng umiiyak,” ani Dela Cruz. “Mga veterans, kailangan kayo ngayon. Kailangan n’yong mag-lead now.”
Isa sa mga inaasahan ni Dela Cruz na babawi ay si Ed Daquioag na nalimitahan ng FEU sa 4 points sa loob ng 29 minuto sa Game One.
“Frustrated ako kasi hindi ko nailabas ‘yung game pero sinabi nga ni coach, may Game Two pa,” dismayadong wika ni Daquioag.
Bukod kay Daquioag, muli ring aasahan ng Tigers sina import Karim Abdul, Kevin Ferrer, Louie Vigil at Jam Sheriff.
Samantala, pormal namang kikilalanin ang mga top individual performers sa UAAP season sa pangunguna ni back-to-back MVP Kiefer Ravena ng Ateneo Blue Eagles.
- Latest