Alyssa Valdez lalaro na sa PLDT para sa championship

MANILA, Philippines – Lalo pang lalakas ang PLDT Home Ultera sa nakatakdang paglala-ro ni UAAP superstar Alyssa Valdez laban sa Army sa Game One ng kanilang best-of-three championship series para sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference bukas sa The Arena sa San Juan City.

“She told me she’ll play,” sabi kahapon ni PLDT coach Roger Gora-yeb sa pakikipag-usap niya kay Valdez, ang reigning Open at Collegiate Conference Most Valuable Player.

Hindi nakalaro si Valdez sa elimination round at maging sa semifinals dahil sa kanyang beach volley commitment sa Ateneo Lady Eagles bukod pa sa kanyang back injury.

Ngunit matapos makapagpahinga ay handa nang bumandera si Valdez, ang pinaka-popular na volleyball player sa bansa ngayon, para sa Ultrafast Hitters sa pagsagupa sa Lady Troopers sa alas-3 ng hapon.

Sa hindi paglalaro ni Valdez ay sinandalan ng PLDT sina American imports at dating US NCAA Division I standouts Victoria Hurtt at Sareea Freeman na ipinahinga ni Gorayeb sa 25-11, 25-17, 25-17 panalo ng PLDT laban sa UP sa semis.

“It will mean more attacking options for us with Alyssa around,” wika ni Gorayeb.

Inamin ni Gorayeb na hindi madaling kalaban ang Army.

“We’re taller, yes. But they’re a more experienced team and they’ve been together longer than us,” ani Gorayeb sa kanyang Ultrafast Hitters na natalo sa Lady Troopers, 23-25, 25-23, 11-25, 25-19, 13-15, sa first round noong Oct. 25.

Kinuha ng Army ang ikalawang finals berth nang gibain ang Navy, 25-16, 25-10, 25-22.

Muling ipaparada ng Lady Troopers sina Tina Salak, Jovelyn Gonzaga, Aby Maraño, Honey Royse Tubino at Mary Remy Joy Palma.

Lalaban din para sa Ultrafast Hitters sina dating MVP Aiza Pontillas at Janine Marciano na nangga-ling sa Cagayan Valley.

 

Show comments