MANILA, Philippines – Nang mapaulat na pinupuntirya ng La Salle Green Archers si Aldin Ayo bilang kapalit ni Juno Sauler ay kaagad na naghanap ng kanyang kahalili ang Letran Knights.
At isa sa mga ikinukunsidera ay si Letran alumnus at dating PBA star Kerby Raymundo.
Kamakalawa ay pormal nang nagpaalam si Ayo sa Letran sa kanilang Intramuros campus para lumipat sa La Salle sa UAAP.
Tinulungan ni Ayo ang Knights na masikwat ang korona ng nakaraang 91st NCAA men’s basketball tournament matapos talunin ang five-peat champions na San Beda Red Lions sa Finals.
Muling gagamitin ng Knights ang winning formula na kanilang ginawa nang makuha si Ayo.
Kagaya ni Ayo, ang 6-foot-5 na si Raymundo ay dati ring Letran alumnus at naging top player at kakampi ni Ayo nang angkinin ng Knights ang back-to-back NCAA championships noong 1998 sa ilalim ni coach Louie Alas at noong 1999 sa paggiya ni Binky Favis.
Matapos hiranging NCAA Most Valuable Player noong 1999 ay umakyat si Raymundo sa Philippine Basketball Association sa sumunod na taon.
Si Raymundo, naglaro sa PBA para sa Barako Bull, Purefoods, Meralco at Ginebra ay isang 10-time PBA All-Star, Finals MVP noong 2002 Governor’s Cup.
Opisyal na nagretiro si Raymundo noong 2013 at kasalukuyang assistant coach ng Gin Kings.