MANILA, Philippines – Walang ibang hangarin ang Air Force kundi ang walisin ang Cignal HD TV sa kanilang championship series para sa Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference na inihahandog ng PLDT Home Ultera.
Inangkin ng Raiders ang Game One, 25-15, 19-25, 25-19, 25-19, noong nakaraang Sabado at balak muling gibain ang HD Spikers sa Game Two ngayong alas-3 ng hapon sa The Arena sa San Juan.
Kung makakatabla ang Cignal sa Air Force ay gagawin ang Game Three sa Disyembre 5.
“We’re going for the win but we expect them to make some adjustments,” wika ni Raiders’ coach Rhovyl Verayo sa inaasahan niyang pagba-ngon ng HD Spikers.
Sa panalo sa Game One kontra sa Cignal ay sumandal ang Air Force sa kanilang eight-man rotation na pinamunuan ng team-high na 17 hits ni Jeffrey Malabanan para kunin ang 1-0 bentahe sa best-of-three title series nila.
Bukod kay Malabanan, aasahan din ng Raiders sina Rodolfo Labrador, Reyson Fuentes, Ruben Inaudito at Edwin Tolentino katapat sina Edmar Bonono at Lorenzo Capate, Jr., umiskor ng pinagsamang 30 points sa series opener, ng HD Spikers.
Samantala, sa ala-1 ng hapon ay pipilitin ng PLDT Home Ultera na tapusin ang kanilang agawan ng Navy para sa third place trophy.
Pinataob ng Ultrafast Hitters ang Sailors, 25-14, 25-22, 23-25, 25-19 sa Game One ng kanilang serye.