Sabotahe sa Metro Turf?

MANILA, Philippines - Tinitingnan ngayon ng mga opis-yales ng MetroTurf ang posibilidad ng tangkang pagsabotahe sa malaking karera na ginanap noong Nobyembre 15 sa karerahan sa Malvar-Tanauan, Batangas kung saan isang ligaw na itim na pusa ang nakita sa gitna ng racetrack.

Simula nang magbukas ang MetroTurf mahigit dalawang taon na ang nakaraan ay walang isa mang insidenteng tulad nito ang nangyari.

Kaya naman nagtataka ang mga opisyales ng Metro Manila Turf Club (operator ng MetroTurf) kung paanong nangyari ang ganun lalo pa nga’t merong stakes race na 2015 Philracom Sprint Championship.

Isang itim na pusa ang nakitang nakaupo sa gitna ng racetrack malapit sa  parking lot at nang papasok na sa homestretch ang apat na naglalabang kabayo, mabilis itong bumalik sa tabing balya na malapit sa nasabing parking lot.

Hinihinalang may nagpakawala ng pusang ito mula sa parking lot para isabotahe ang isang major racing event na may mga high-prized runners?

Kung nagkataon, isang malaking sakuna o aksidente ang magaganap kung nabulabog ang mga kabayo at nahagip ang pusa.

Hinihinalang kagagawan ito ng mga taong gustong pabagsakin ang magandang ehemplo at reputasyon ng MetroTurf na naitayo nito sa maiksing panahon.  Hindi ito maganda dahil ang local racing industry ang magdurusa kapag sila ay nagwagi at nakapagdulot ng kaguluhan!

 

Show comments