MANILA, Philippines – Sinadyang ipahinga ni coach Roger Gorayeb sina American imports Victoria Hurtt at Serea Freeman para ipakita sa kanila kung paano maglaro ang mga Pinay.
Sa kabila nito ay tinalo pa rin ng PLDT Home Ultera ang University of the Philippines, 25-11, 25-17, 25-17, para tuluyan nang angkinin ang unang finals berth ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
“I let them (Hurtt and Freeman) sit out this game because I want them to see and adjust to how the local plays and not the other way around,” pahayag ni Gorayeb.
Nauna nang pinabagsak ng Ultrafast Hitters ang Lady Maroons, 25-12, 22-25, 25-15, 25-17, noong Oct. 31.
Kaya naman walang kaba si Gorayeb sa hindi paggamit kina Hurtt at Freeman, parehong dating US NCAA Division I standouts.
Humataw sina Hurtt at Freeman ng pinagsamang 36 hits sa 25-12, 25-12, 23-25, 25-21 panalo ng tropa ni Gorayeb sa Kia Forte sa kanilang huling laro ng elimination round.
Pinamunuan ni Aiza Pontillas ang PLDT sa kanyang 13 hits, tampok dito ang 12 kills, habang nagdagdag si team captain Suzanne Roces ng 11 points para ihatid ang Ultrafast Hitters sa best-of-three championship round na magsisimula sa Sabado.
“They will play in the finals,” paniniyak ni Gorayeb sa pagsabak sa aksyon nina Hurtt at Freeman.
Ipinagpahinga rin ni Gorayeb si UAAP MVP Alyssa Valdez, ang Collegiate at Open Confe-rence best player, para ihanda sa championship series.
Sa ikalawang laro, inangkin naman ng Army karapatang labanan ang PLDT sa Finals nang kunin ang 25-16, 25-10, 25-22 tagumpay kontra sa Navy.
Binanderahan ni Jovelyn Gonzaga ang ikaanim na finals appearance ng Lady Troopers sa kanyang 10 hits.
“We’re ready against PLDT,” sabi ni Army mentor Kungfu Reyes.