MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon matapos ang 36 taon ay muling magsasagupa ang Tigers at ang Tamaraws para sa UAAP crown.
Ito ay matapos talunin ng No. 1 University of Sto. Tomas ang No. 4 National University, 64-55 sa Final Four ng 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Naitakda ang best-of-three championship series ng Tigers at ng Tamaraws na huling nangyari noong 1979.
“First of all, ‘yung mga players talagang nagpakita ng puso,” sabi ni coach Bong Dela Cruz sa UST na dalawang beses dinomina ang FEU sa elimination round ngayong season. “Kahit nakadalawa kami sa FEU, iba na ‘yung championship series eh.”
Ito ang ikatlong finals appearance ng España-based cagers sa nakaraang apat na taon.
Nakamit ng Tamaraws ang unang finals berth nang lusutan ang Ateneo Blue Eagles, 76-74 mula sa buzzer beating putback ni Mac Belo kamakalawa.
Mula sa 15-2 panimula ay pinanatili ng Tigers, nagbitbit ng twice-to-beat advantage, ang kanilang intensidad hanggang sa third period kung saan nila ibinaon ang Bulldogs, nagkampeon noong nakaraang UAAP season matapos biguin ang Tamaraws sa Finals, sa 42-29 mula sa three-point shot ni Louie Vigil sa huling 2:10 minuto.
Huling nakalapit ang NU sa 52-58 agwat mula sa dalawang free throws ni Nico Javelona sa nala-labing 1:03 minuto ng final canto.
Pinangunahan ni Vigil ang Tigers sa kanyang 19 points, 11 rebounds at 7 assists habang nagdagdag si Kevin Ferrer ng 11 markers kasunod ang 10 ni Sheak Sheriff para sa UST na huling nagkampeon sa UAAP noong 2006 sa ilalim ni coach Pido Jarencio, ang mentor ng Globalport sa PBA.
“Sobrang saya kasi last year na namin. Gagawin namin lahat ng makakaya namin para makuha ang championship,”ani Ferrer.
Pinamunuan naman ni Javelona ang Bulldogs sa kanyang 17 points, habang nalimita si import Alfred Aroga sa 7 markers.
UST 64 – Vigil 19, Ferrer 11, Sheriff 10, Daquioag 8, Abdul 6, Lee 5, Bonleon 5, Faundo 0, Lao 0.
NU 55 – Javelona 17, Alejandro 8, Diputado 7, Aroga 7, Alolino 6, Javillonar 5, Neypes 3, Celda 2, Abatayo 0, Salim 0, Morido 0.
Quarterscores: 15-12; 30-20; 44-32; 64-55.