14-0 record ipinoste ng Golden State Warriors
OAKLAND, Calif. – Pumuntos si Stephen Curry ng 27 at nakalapit ang defending champion na Golden State Warriors sa pagduplika sa pinakamaganda nilang panimula sa NBA history matapos talunin ang Chicago Bulls, 106-94.
Ipinoste ng Warriors ang 14-0 record pati na ang franchise-record na 26-home game winning streak.
Ang Bulls ang pinakahuling koponan na nanalo sa Oracle Arena sa nakaraang regular season noong Enero.
Napantayan ng Golden State ang 1957-58 Boston Celtics bilang tanging defending champions na naipanalo ang unang 14 laro.
Ang Warriors ay isa sa limang koponan sa NBA history na may 14-0 panimula.
Nagdagdag si Harrison Barnes ng 20 points at 9 rebounds para sa Warriors.
Kumamada naman si Jimmy Butler ng 28 points, 9 rebounds at 7 assists sa panig ng Bulls na nasa ikalawang laro sa kanilang four-game road trip.
Ang tres ni Kirk Hinrich sa 8:52 minuto ng fourth quarter ang naglapit sa Chicago sa 79-81 kasunod ang tatlong free throws ni Nikola Mirotic para sa 82-81 bentahe ng Bulls.
Nagsalpak si Hinrich ng isang tres para itabla ang Bulls sa 89-89 sa 5:44 minuto ng fourth period bago kumonekta si Curry ng kanyang tres para muling ilayo ang Warriors sa 92-89.
Kung mananalo ang Golden State sa Denver para sa kanilang 15-0 baraha ay may pagkakataon silang wasakin ang record kung tatalunin nila ang Los Angeles Lakers sa Miyerkules.
Ang Washington Capitols noong 1948-49 at ang Houston Rockets noong 1993-94 ang dalawa pang koponang nagtala ng 15-0 start.
- Latest