Lady Slammers nakuntento sa third place sa PSL

IMUS CITY, Philippines – Tinapos nina imports Alexis Olgard at Bojana Todorovic ang kanilang kampanya matapos tulungan ang Philips Gold sa 23-25, 25-21, 25-22, 25-17 pa­nalo laban sa Cignal sa classification match ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon di­to sa Imus Sports Center.

Sa ikalawang laro, tinalo ng Meralco Power Spikers ang RC Cola-Air Force Raiders, 25-21, 20-25, 25-23, 25-20, para sikwatin ang fifth place.

Bumalikwas sina Olgard at Todorovic mula sa kanilang kabiguan sa Foton Tornadoes sa se­mifinals para ihatid ang Lady Slammers sa third-place finish sa nasa­bing inter-club tournament na inihahandog ng Asics ka­tuwang ang Milo, Senoh, Mikasa at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.

Nagsalansan ang 6-foot-5 na si Olgard, isang middle blocker mu­la sa University of Southern California, ng 21 sa kanyang 25 points sa smashes.

Humataw naman si To­dorovic ng 19 kills at 3 blocks para tumapos na may 23 points sa Philips Gold na dinuplikahan ang kanilang third-place finish sa na­karaang All-Filipino Conference noong Ma­yo.

Humakot din si To­do­rovic, naglaro bilang li­bero para sa 2011 US NCAA Division I champion na University of California-Los Angeles, ng 23 excellent receptions bukod pa sa 8 digs para sa huli niyang la­ro sa Philips Gold at sa PSL.

Show comments