Tigers sasagupa naman sa Bulldogs ngayon Tamaraws sa finals

MANILA, Philippines – Noong nakaraang UAAP season ay isinalpak ni Mac Belo ang isang buzzer-beating three-point shot pa­ra itakas ang Far Eastern University laban sa De La Salle University sa Final Four.

Kahapon ay muling nagpakabayani si Belo.

Isang putback ng 6-foot-4 na si Belo sa pagtunog ng final buzzer ang naghatid sa No. 2 Tamaraws sa 76-74 panalo kontra sa No. 3 Ateneo Blue Eagles sa Final Four ng 78th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ang naturang tagumpay sa Ateneo ang nag-akay sa FEU, humawak ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four, sa best-of-three championship series.

“Si Belo lang naka-shoot nung huling tira, but it was a team effort kaya kami nakabalik sa Finals,” sabi ni coach Nash Racela.

Umiskor si Belo ng 15 points sa ilalim ng 16 mar­kers ni Roger Pogoy na siyang nagsalpak ng isang mahalagang tres sa huling 1:08 minuto ng laro para itabla ang Tamaraws sa Blue Eagles sa 74-74.

Nagdagdag naman si veteran guard Mike Tolomia ng 13 points.

Nang kumabyos ang tirada ni Tolomia ay nakuha ni Belo ang offensive rebound para sa kanyang putback.

“Gusto namin nagko-contribute ang bawat isa pa­ra sa team,” ani Belo, miyembro ng Gilas Cadets ni coach Tab Baldwin na naghari sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Ang basket ni back-to-back UAAP Most Valuable Player Kiefer Ravena ang nagbigay sa Ateneo ng 74-71 bentahe sa huling 2:28 minuto ng fourth quarter.

Kumonekta naman si Pogoy ng isang triple para itabla ang FEU sa 74-74 sa huling 1:08 minuto ng laro.

Kumamada si Ravena ng game-high na 25 points para banderahan ang Blue Eagles kasunod ang 17 mar­kers ni Adrian Wong at 15 ni Von Pessumal.

Samantala, lalabanan naman ng No. 1 University of Sto. To­mas ang No. 4 National University, ang nag­tatanggol sa korona, ngayong alas-3:30 ng hapon sa Big Dome.

May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Tigers, hangad makatapat ang Tamaraws sa UAAP Finals, laban sa Bulldogs.

FEU 76 – Pogoy 16, Belo 15, Tolomia 13, Iñigo 9, Dennison 6, Jose 5, Ru. Escoto 4, Orizu 4, Arong 4, Tamsi 0.

Ateneo 74 – Ravena 25, Wong 17, Pessumal 15, Gotladera 8, Ikeh 4, Ma. Nieto 2, Go 2, Capacio 1, Babilonia 0, Black 0. A. Tolentino 0, Pingoy 0, V. Tolentino 0.

Quarterscores: 19-12: 38-32: 56-50: 76-74.

Show comments