Batang Pier at Texters makikisosyo sa liderato
MANILA, Philippines – Mula sa impresibo niyang rookie season noong nakaraang taon ay ipinagpatuloy ni Stanley Pringle ang maganda niyang paglalaro.
Isinalpak ni Pringle ang game winning basket para igiya ang Globalport sa 113-111 panalo laban sa Rain or Shine noong Nobyembre 13 para sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa 2015 PBA Philippine Cup.
Tinapos ni Pringle ang laro bitbit ang 27 points, 8 rebounds at 6 assists.
“Exceptional lang talaga si Stanley kasi consistent sya since the start of the season,” sabi ni coach Pido Jarencio kay Pringle.
Sa naturang panalo ay nagdagdag si Terrence Romeo ng 25 points kasunod ang 21 markers ni Keith Jensen at 11 ni Joseph Yeo.
Target ang kanilang ikaapat na sunod na arangkada, lalabanan ng Batang Pier ang Alaska Aces ngayong alas-4:15 ng hapon sa pagbabalik ng 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi ay pupuntiryahin din ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang kanilang pang-apat na dikit na panalo sa pagharap sa NLEX Road Warriors.
Kasalukuyang magkakatabla ang Talk ‘N Text, Globalport, Alaska at Rain or Shine sa magkakatulad nilang 3-1 record sa ilalim ng 4-1 baraha ng nagdedepensang San Miguel.
Samantala. sinuspinde ni PBA Commissioner Chito Narvasa si Mahindra consultant Joe Lipa dahil sa hindi nito pagpunta sa kanyang opisina.
Idinepensa ni Lipa si playing coach Manny Pacquiao sa naunang pahayag ni Narvasa na walang panahon ang huli sa PBA.
- Latest