OKLAHOMA CITY -- Kumolekta si point guard Russell Westbrook ng 43 points, 9 rebounds at 8 assists para pagbidahan ang Thunder sa 110-103 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Nagdagdag si Enes Kanter ng 24 points at 14 rebounds para sa Thunder, nakabangon mula sa kabiguan sa Boston Celtics at Memphis Grizzlies.
May 2-2 record ngayon ang Thunder (7-5) kapag wala si star forward Kevin Durant, hindi nakalaro sa ikaapat na sunod na pagkakataon bunga ng hamstring injury.
Tumipa naman si Ryan Anderson ng 30 points at nagdagdag sina Eric Gordon at Ish Smith ng tig-18 sa panig ng New Orleans (1-11) na nalasap ang kanilang pang-limang sunod na kamalasan.
Siyam na players lamang ang ginamit ng Pelicans.
Nakadikit ang Pelicans sa 94-97 agwat sa 3:24 minuto bago nagsalpak si Westbrook ng isang three-point play at layup para muling ilayo ang Thunder sa 102-94 sa huling 2:47 minuto.
Sa Houston, kumamada si James Harden ng siyam sa kanyang 45 points sa overtime para ihatid ang Rockets sa 108-103 panalo laban sa Portland Trail Blazers.
Nagsalpak si Brewer ng isang three-pointer sa natitirang 0.6 segundo para itabla ang Rockets sa Blazers sa 99-99 patungo sa extra period.
Si interim coach J.B. Bickerstaff ang humawak sa Houston matapos sibakin ang 57-anyos na si coach Kevin McHale.