MANILA, Philippines – Sila ang inaasahang magtatapat sa best-of-three championship series.
Ngunit para mangyari ito ay kailangan munang talunin ng Philips Gold ang Foton at sibakin ng nagdedepensang Petron ang Cignal sa ‘do-or-die’ semifinal round ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament.
Sasagupain ng Lady Slammers ang Tornadoes ngayong alas-4 ng hapon, habang magtutuos ang Blaze Spikers at ang HD Spikers sa alas-6 ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Tinapos ng Philips Gold ang double-round elimination bitbit ang 8-2 record sa torneong inihahatid ng Asics katuwang ang Milo, Senoh, Mueller at Mikasa bilang technical partners at ang TV5 bilang official broadcaster.
Ang isa sa dalawa nilang kabiguan ay galing sa Tornadoes na umiskor ng 25-14, 25-22, 18-25, 25-18 panalo sa second round noong Nov. 5.
Kaya naman hindi nagkukumpiyansa si Philips Gold coach Francis Vicente laban sa Foton.
“We can’t say that we’re the underdogs because we topped the eliminations. At the same time, we can’t say that they are the underdogs because they beat us in the second round,” ani Vicente. “I think this is going to be a very exciting encounter.”
Sina American imports Bojana Todorovic at Alexis Olgard katuwang si star spiker Myla Pablo ang muling ibabandera ng Lady Slammers, habang ang tatlong six-footers na sina imports Katie Messing, Lindsay Stalzer at Jaja Santiago ang sasandigan ng Tornadoes.
Maliban kina Todorovic, Olgard at Pablo ay aasahan din ng Philips Gold sina Michelle Gumabao, Mel Gohing at Desiree Dadang.
Sa ikalawang laro, gusto naman ng Blaze Spikers, nagreyna sa Grand Prix at kumatawan sa bansa sa nakaraang AVC Asian Women’s Club Championship noong Setyembre, na muling biguin ang HD Spikers.
Tinalo ng Petron ang Cignal, pamumunuang muli nina reinforcements Ariel Usher at Amanda Anderson, 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14, noong Oct. 10.
“Cignal knows what it takes to win big games,” sabi ni Blaze Spikers’ mentor coach George Pascua na muling sasandig kina Brazilians Rupia Inck at Erica Adachi bukod pa kina local hitters Dindin Manabat, Aby Maraño, Rachel Anne Daquis, Maica Morada at Ces Molina.