MANILA, Philippines - Sinikwat ni taichi artist Agatha Chrystenzen Wong ang unang medalya ng bansa sa compulsory taijiquan matapos kumuha ng silver medal sa 13th World Wushu Championships sa Jakarta, Indonesia .
Natalo ang 17-anyos na si Wong, nag-uwi ng gold at bronze medals sa 42 forms taijiquan at 42 forms taijijian sa Asian Junior Wushu Championships sa Inner Mongolia, China, kay veteran Lu Yi Chan ng Malaysia para sa gold medal.
Nakuntento naman si Singaporean Lin Yin Ho sa bronze medal.
Tumabla ang Pilipinas sa ika-17 hanggang ika-20 puwesto sa Iran, France at Myanmar sa kabuuang 82 bansang kalahok.
Sa sanda (combat) discipline, apat sa limang Filipino fighters ang umabante sa medal round para makatiyak ang koponan ng apat na bronze medals.
Dinomina ng 25-anyos na si Francisco Solis, ang tanging world championship veteran na nag-uwi ng tanso noong 2014 Asian Games at pilak noong 2015 SEA Games, si Thai bet Abdul Harris Sofyan sa 60kg quarterfinal bouts.
Ang iba pang nakapasok sa medal round ay ang 19-anyos na si Divine Wally at ang 20-anyos na si Arnel Mandal.
Tinalo ni Wally, ang silver medallist noong 2013 Asian Junior Championship at SEA Games, si Aynabad Jumamuradova ng Turkmenistan sa 52kg bout at binigo ni Mandal si Ion Wa Chan ng Macau sa 60kg.
Dinaig ng 21-anyos na si Hergie Bacyadan si Turkish Kubra Akbulut sa women’s 65kg division.
Yumukod naman ang pang-limang Pinoy sanda entry na si Clemente Tabugara, Jr. kay Iranian Jafar Shirzadehtopraghlou.