INDIANAPOLIS – Ipinagpatuloy ni Paul George ang kanyang mainit na pagkamada, habang unti-unti namang natatanggap ni Monta Ellis ang bago niyang papel para sa Pacers.
Nagtala si George ng 29 points at 8 rebounds para pangunahan ang Indiana Pacers sa 107-103 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Ito ang ikaanim na laro ni George na umiskor siya ng 25 o higit pang puntos para sa Pacers makaraang mabalian ng binti noong Agosto ng 2014.
“Since training camp, this is the Paul George I expected to see coming back,” sabi ni Pacers coach Frank Vogel kay George. “It’s my job to put him in position to have his best season ever and he’s started off (looking) to have that type of year.”
Sa likod ni George ay naipanalo ng Pacers ang anim sa kanilang pitong laro.
Naglista si George ng average na 27.2 points per game at nakapagposte ng apat na double-doubles.
Ngunit laban sa Timberwolves ay nakakuha siya ng suporta kay Elis.
Papasok sa fourth quarter, nanlamig si George sa loob ng 16 minuto kung saan muntik nang maisuko ng Pacers ang itinayong 27-point lead.
Ang basket ni Ellis ang nagbigay sa Pacers ng 87-60 abante sa huling 4 minuto sa third quarter.
Ngunit nagtuwang sina Andrew Wiggins at Zach LaVine para sa 40-14 atake ng Timberwolves para makadikit sa 100-101 agwat sa huling 1:18 minuto sa fourth period.
Sa Chicago, tumipa si Jimmy Butler ng 27 points, habang humakot si Gasol ng 19 points at 13 rebounds para ihatid ang Chicago Bulls sa 102-97 panalo laban sa Charlotte Hornets.
Nakabangon ang Bulls mula sa 25-point loss sa Hornets noong Nov. 3.
Gumawa si Nicolas Batum ng 12 sa kanyang 28 points sa third quarter para sa Charlotte at nag-ambag si Kemba Walker ng 16 points at 9 rebounds.