PLDT sinikwat ang ikalawang ‘twice-to-beat’ bonus sa semis
MANILA, Philippines – Sa likod ng magandang laro nina American imports Victoria Hurtt at Sareea Freemen, inangkin ng PLDT Home Ultera ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference.
Tinalo ng Ultrafast Lady Spikers ang Kia Forte Lady Spikers, 25-12, 25-12, 23-25, 25-21, kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Hurtt ng 21 hits, habang may 15 si Freeman para sa ikaapat na panalo ng PLDT sa limang laro para tapusin ang elimination round bilang No. 2 seed.
Samantala, makakamit naman ng Army, may 4-0 kartada, ang top seeding sa Final Four anuman ang maging resulta ng kanilang laro kontra sa University of the Philippines.
Dahil sa pagkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ay kailangan lamang ng Lady Troopers at Ultrafast Lady Spikers na manalo ng isa laban sa Navy Lady Sailors o Lady Maroons para makaabante sa best-of-three championship sa Nobyembre 28.
Ang panalo ng PLDT ang nagbigay ng semis berth sa Navy at UP kasabay ng pagsibak sa Kia.
Kaagad na umatake si Hurtt, isang outside spiker mula sa Iowa State, at ang 6-foot-4 na si Freeman buhat sa Florida State para sa opesa ng Ultrafast Lady Spikers at rapiduhin ang Lady Spikers.
Naisuko naman ng PLDT ang third set sa Kia bago muling nagbida sina Freeman at Hurtt patungo sa kanilang panalo.
- Latest