MANILA, Philippines – Mula sa naunang 10 bansa ay anim na lamang ang mag-aagawan para sa hosting rights ng tatlong FIBA Olympic Qualifying Tournaments (OQTs) na magkakasabay na idaraos sa Hulyo 4-10, 2015.
Opisyal na inihayag kahapon ng International Basketball Federation (FIBA) ang pagsusumite ng official bid ng Pilipinas, Czech Republic, Germany, Italy, Serbia at Turkey para maging host ng isa sa tatlong Olympic wildcard play.
Nawala naman sa listahan ang Greece, Iran, Israel at Mexico.
Isang non-European bidding country, determinado ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makamit ang hosting rights ng OQT.
Para madetermina ang magiging mga hosts, ikukunsidera ng FIBA ang “players welfare, stakeholder experience, facilities and infrastructure, legacy and commercial model.”
Dahil sa pagkakaroon ng anim na bansang gustong maging host ng isa sa tatlong OQT ay iniurong ng FIBA ang pagdedesisyon sa winning bidders at sa draw sa Enero ng susunod na taon.
“In order to properly assess each candidature, the evaluation period has been extended,” wika ng FIBA sa anim na cage federations.
Ang mga maglalaro sa wildcard competition ay ang France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic mula sa Europe, ang Canada, Mexico at Puerto Rico galing sa America, Angola, ang Tunisia at Senegal buhat sa Africa, ang New Zealand sa Oceania at ang Pilipinas, Iran at Japan mula sa Asia.