MANILA, Philippines – Ipinakita na naman ni Jayson Castro kung bakit siya ang pinakamahusay na point guard sa Asya.
Humugot si Castro ng pito sa kanyang game-high na 33 points sa huling dalawang minuto ng laro para tulungan ang Talk ‘N Text sa 91-86 panalo kontra sa Star sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Dumiretso ang Tropang Texters sa kanilang pangatlong sunod na ratsada para makatabla ang nagdedepensang San Miguel Beermen, Rain or Shine Elasto Painters, Alaska Aces at Globalport Batang Pier sa liderato.
Kinuha ng Talk ‘N Text ang 70-62 abante sa third period bago nakalapit ang Star sa 78-79 agwat mula sa three-point play ni Fil-Am guard Justin Melton sa 4:33 minuto ng fourth quarter.
Ang tres ni Castro ang nagbigay sa Tropang Texters ng 86-82 bentahe kasunod ang kanyang fastbreak layup mula sa agaw niya para iwanan ang Hotshots sa 88-82 sa huling 39.9 segundo.
Samantala, sasagupain ng Beermen ang Ginebra Gin Kings ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang salpukan ng Barako Barako Bull Energy at Meralco Bolts sa alas-3 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hangad ng San Miguel na masolo ang liderato, habang target ng Ginebra ang kanilang ikalawang panalo sa apat na asignatura.
TALK ‘N TEXT 91 - Castro 33, Fonacier 10, Reyes 9, Rosario 9, Roser 9, Tautuaa 8, Carey 4, Seigle 4, Miranda 3, Aban 2.
Star 86 - Melton 25, Pingris 17, Simon 11, Barroca 10, Yap 9, Sangalang 6, Mallari 5, Torres 2, Pascual 1, Taha 0, Maliksi 0.
Quarterscores: 26-25; 52-44; 70-62; 91-86.