MANILA, Philippines – Itataya ng Foton Tornadoes ang nangangalit na porma sa pagharap sa nagdedepensang kampeong Petron Lady Blaze Spikers sa isang eksplosibong sagupaan na magpapasiklab sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament sa La Salle Lipa Sentrum sa Lipa City, Batangas.
Sa ganap na alauna ng hapon magpapang-abot ang dalawang koponan at nais ng Tornadoes na makakalas sa pakikisalo sa Cignal HD Lady Spikers sa ikatlo at apat na puwesto sa 6-3 karta habang ang Petron ay magtatangka na saluhan uli ang Philips Gold Lady na solong nasa itaas sa 7-2 karta.
Tinalo ng Petron ang Foton sa limang mahigpitang sets sa unang pagtutuos pero handa ang Tornadoes na bumawi at magkatabla ang dalawa sa mahalagang ikalawang puwesto sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller na napapanood sa TV5.
“I think its gonna be a great game coz we are a different team now compare to the team that they faced before,” wika ni Kathleen Messing.
Si Messing, Lindsay Stalzer at Jaja Santiago ang tatrangko sa malakas na paglalaro ng koponan upang makapaglubid ng limang sunod na panalo at 4-0 sa second round.
Sisikapin naman ng Meralco Power Spikers na makatikim ng panalo sa huling laro laban sa RC Cola-Air Force Raiders dakong alas-3 sa labanan ng mga sibak nang mga koponan.