FEU Tams puntirya ang huling twice-to-beat ticket
MANILA, Philippines – Ang hawakan ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa Final Four ay sapat nang motibasyon para ibalik uli ng FEU Tamaraws ang dating tikas sa 78th UAAP men’s basketball nga-yon sa Smart Araneta Coliseum.
Naputol ang nine-game winning streak ng Tamaraws nang matalo sa UST Tigers, 76-85 kaya asahan na babalik agad ang tikas ng koponan para matalo ang nagdedepensang kampeong National University Bulldogs sa tagisang magsisimula dakong alas-4 ng hapon.
Sa bisa ng panalo, ang Tigers (11-3) ang kumuha sa unang twice-to-beat advantage sa semifinals habang ang FEU (10-2) ay may dalawang tsansa para okupahan ang ikalawang upuan.
Kung matatalo sila rito ay puwede pang malagay sa unang dalawang puwesto ang Tamaraws kung mananalo sa La Salle Archers sa huling asignatura sa Nobyembre 18.
Ikaanim na sunod na panalo naman ang pakay ng Ateneo Eagles laban sa UE Warriors sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon na magbibigay tsansa sa koponan na makigulo sa bentahe sa Final Four.
Puwedeng makahirit ng playoffs sa twice-to-beat advantage ang Eagles kung mananalo sila sa Warriors at matalo ang FEU sa huling dalawang asignatura.
Sa kabilang banda, ang Warriors ay nangangailangan na manalo sa huling dalawang laro at manalangin na matalo ang La Salle at NU sa kanilang huling mga laro para maka-playoff.
Naungusan ng FEU ang NU, 61-59 sa unang pagtutuos at hindi malayong mauwi sa dikitan uli ang sagupaan dahil must-win ang Bulldogs para tumatag ang pagnanais na makaiwas sa maagang bakasyon.
Kung mangibabaw uli ang FEU, dapat na ipanalangin ng NU na talunin din ng Tamaraws ang Archers para magkatabla pa rin at mangailangan ng sudden-death para sa ikaapat at huling upuan sa Final Four.
- Latest