MANILA, Philippines - Ipinakita ng Hagdang Bato na may kakayahan pa itong mamayagpag sa larangan ng horse racing nang dominahin ang MARHO Platinum San Miguel Beer Classic kahapon sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Jonathan Hernandez uli ang sakay ng kabayo at naipamalas uli ng tambalan ang hinanap na galing at tulin ng kabayo matapos pangunahan ang karerang inilagay sa 2,000-metro distansya.
Ito ang unang stakes win ng Hagdang Bato sa taon at ginawa ng premyadong kabayo nang kunin ang distansya sa respetadong 2:06 tiyempo sa kuwartos na 25, 24’, 25, 24’ at 26.
Halagang P1 milyon mula sa P1.6 milyon na isinahog sa karera na isa sa limang stakes race na nakapaloob sa MARHO Racing Festival, ang naiuwi para kay winning horse owner Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Si Mark Alvarez na sakay ng Low Profile ay pinatawan ng 56-kilos handicap weight tulad ng Hagdang Bato na naorasan ng 2:06 sa kuwartos na 24’, 24, 24’, 26 at 27.
Banderang-tapos ang panalo ng apat na taong colt na may lahing Tribal Rule at Lacquania para sungkitin din ang P1.2 milyon unang gantimpala sa P2 milyon na inilagay ng nagtaguyod na Philippine Racing Commission.
Samantala, pinangatawanan ng mga outstanding favorites na Port Angeles at Dewey Boulevard nang angkinin ang MARHO Platinum Philracom Juvenile Fillies at Colts habang ang paborito ring Gentle Strength ang kampeon sa MARHO Platinum Santa Ana Park 3YO Colt & Filly Mile.
Sa 1,300-metro ang distansya sa juvenile races at ang Port Angeles na ginabayan ni Mark Alvarez ay may 1:20 oras habang ang Dewey Boulevard sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr., ay may 1:19.4 winning time.
Tig-P600,000.00 ang premyo ng Port Angeles at Dewey Boulevard habang P1 million ang premyo ng Gentle Strength.
Ang Cat’s Silver na hawak ni Kevin Abobo ang kampeon sa MARHO Platinum PCSO Spring (1,100m) para kunin ang P300,000.00 premyo.