MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng Ateneo Eagles na madalawahan sila ng karibal na La Salle Archers nang itaas ang kalidad ng paglalaro sa second half tungo sa 73-62 panalo sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Kiefer Ravena at Von Pessumal na nasa huling taon ng paglalaro, ang siyang nanguna sa pagbangon ng Eagles sa masamang first half para maipaghiganti ang 76-80 pagkatalo sa Archers sa unang pagtutuos.
Umakyat din sa lima ang pagpapanalo ng Eagles upang manatiling nakatutok sa playoff para sa twice-to-beat advantage sa 9-4 baraha.
“This is a huge win and a good way to cap our tumultuous week,” wika ni Ateneo coach Bo Perasol.
Kinilala pa ni Perasol ang malaking ambag ng mga bench players na sina Aaron Black at Adrian Wong na tumapos taglay ang 13 at 10 puntos para sa balanseng pag-atake.
“We have little victories that we want to celebrate. But what’s important is that we were able to catch up with the league leaders,” dagdag ni Perasol.
Naiwanan nang 10 puntos sa unang yugto, 23-13, nabuhay ang opensa ng Eagles sa ikatlong yugto at ang apat na puntos at isang assist ni Ravena at 3-pointer ni Pessumal ang nagpagulong sa 12-0 palitan para kunin ng Atneeo ang 44-37 kalamangan.
Pinakamalaking bentahe sa laro ng Ateneo ay 12 puntos, 53-41 nang magtulong sina Wong at Black sa 6-0 atake at kahit napababa ito ng Archers sa apat, 66-62 sina Rave-na at Pessumal ay nagsanib sa 6-for-6 produksiyon sa free throw line tungo sa panalo.
Si Paolo Rivero ay mayroong 16 puntos habang si Jeron Teng ay may 11 pero ang huli ay hindi nakatapos ng laro nang ma-foul out sa hu-ling 3:35 ng labanan.
Ang kabiguan ng La Salle ay sinabayan ng 75-69 tagumpay ng nagdedepensang kampeong National University Bulldogs sa UP Maroons sa unang laro.
Dahil dito, ang NU na ang umokupa sa ikaapat na puwesto sa 6-7 baraha habang bumaba sa panglima ang La Salle sa 5-7 karta.
Sinamahan naman ng Maroons ang Adamson Falcons na pahinga na sa kompetisyon sa 3-9 baraha. (AT)