OAKLAND, Calif. – Inaasahan ni Stephen Curry na mas maganda pa ang ipapakita niya matapos ang kanyang NBA MVP season.
“I’m more experienced, I think I’m a better player than I was last year,” sabi ng Golden State star matapos ang isang maganda na namang laro. “That’s the mission, but a long way to go.”
Tumapos si Curry na may 34 points at 10 assists para pangunahan ang defending champions na Warriors sa 119-104 pagpapabagsak sa Denver Nuggets at manatiling walang talo ngayong season.
Nagtala si Curry ng 30 points sa lima sa una niyang anim na laro para maging unang Warriors player na makagawa nito matapos si Hall of Famer Rick Barry noong 1974-75.
Si Hall of Famer Chris Mullin ang pinakahuling player na nakapaglista ng 25 points sa una niyang anim na laro noong 1990-91.
Nagdagdag si Harrison Barnes ng 21 points para sa Golden State, habang kumolekta si Festus Ezeli ng career-high na 16 points, 7 rebounds at 2 block shots.
Sa bitbit na 6-0 record, nasa kanilang pinakamagandang panimula ang Golden State sa kanilang prangkisa sa West Coast era simula noong 1962-63.
Tatlong panalo pa ang kailangan ng Warriors para mapantayan ang 9-0 barahang itinala ng Philadelphia 76ers noong 1960-61.
“I like our mentality right now,” ani Curry. “There’s nobody complacent in this locker room.”
Nag-ambag si Klay Thompson ng 18 points, 6 rebounds at 5 assists at may 12 markers naman si Draymond Green bukod pa sa 9 rebounds at 8 assists sa pagpapalawig ng Golden State sa kanilang franchise-record home unbeaten streak sa 22 games.
Sa New York, kumolekta si Kobe Bryant ng 18 points para ihatid ang Los Angeles Lakers sa 104-98 panalo laban sa Brooklyn Nets at ilista ang kanilang unang panalo matapos ang 0-4 panimula.
Sa kanyang ika-20 NBA season at nilabanan ang iba’t ibang injuries sa nakaraang mga taon ay hindi masiguro ni Bryant kung ito na ang katapusan ng kanyang career.